Piloto ng nawawalang eroplano ng Malaysia, nagsanay sa Pilipinas
Nag-aral at nagsanay ng pagpapalipad ng eroplano sa Philippine Airlines Aviation School sa Pasay City noong 1980 si Capt. Zaharie Ahmad Shah, 52, ang piloto ng nawawalang Malaysia Airlines flight.
Pumasok siya sa flag carrier ng Malaysia noong 1981. Nakuha niya ang ranggong kapitan noong unang bahagi ng 1990s.
Si Zaharie, na umano'y may kontrol sa eroplano ng mawala, isang oras matapos umalis ng Kuala Lumpur ilang sandali matapos ang hatinggabi noong Sabado.
Ang eroplano na papuntang Beijing ay may lulan na 227 na pasahero at 12 crew members.
Sa 33 taon niya sa Malaysian Airlines, nakaipon na si Zaharie ng 18,360 oras ng pagpapalipad ng eroplano, at nagsanay na rin ng ibang piloto para sa Boeing 737 narrowbody jets, at sertipikado ng civil aviation ng Malaysia na maging examiner at magsagawa ng simulator tests para sa mga piloto.
Ayon sa ulat ng WSJ, si Zaharie ay mahilig magpalipad ng mga maliliit na model ng eroplano at helicopter na de remote control.
Inilarawan din siya ng mga kasamahan bilang "jovial" at "very professional."
Sinasabi ring nakagawa si Zaharie ng isang flight simulator ng Boeing 777 sa kanyang tahanan sa Malaysia gamit ang ilang computer parts at software gamit ang sarili niyang ipon.
Nagpapatuloy ang paghahanap ng Pilipinas at 10 iba pang bansa sa nawawalang eroplano.
Kasama ni Zaharie na nagpalipad ng eroplano si First Officer Fariq Ab.Hamid, 27, na sumali sa Malaysia Airlines noong 2007. — JGV /LBG, GMA News