Mas matibay na evacuation centers na kayang salagin ang matinding kalamidad, nais ipatayo
Sa pamamagitan ng isang panukalang batas, isinulong ng mga kongresista ang pagtatayo ng mga matitibay at ligtas na evacuation center na kayang salagin ang malalakas na kalamidad.
Sa House Bill 3648, na iniakda nina Bayan Muna Party-list Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate, nakasaad na kailangang malayo sa katubigan at ligtas sa landslide ang itatayong mga evacuation center.
“The fact that the Philippines is a country often visited by typhoons yearly, the government has to undertake measures while waiting for the completion of a comprehensive program and its eventual implementation,” ani Colmenares.
Habang wala pa umanong komprehensibong disaster reduction and risk plan, kailangan umanong matiyak na typhoon-resilient at climate change-adaptive ang mga gagawing evacuation center.
Sa pagtatayo ng mga kaukulang evacuation center, maiiwasan na rin umano na gamitin bilang evacuation center ang mga silid-aralan, na ang iba ay hindi rin naman umano ligtas na gawing pansamantalang tuluyan ng mga tao.
Basahin: Diseases spreading at evacuation centers
“Schools must not be used as evacuation centers because the children’s education are the most affected especially in situations when things should have started to get normal but families cannot yet vacate the school premises because their houses have not yet been repaired nor constructed,” dagdag ni Zarate.
Sa ilalim ng panukala, dapat magtayo ng evacuation center sa lugar na maaaring puntahan ng magkalapit na dalawa o tatlong barangay. Kailangang tiyakin na nasuri ng mga eksperto ang itatayong evacuation centers at masigurong calamity-resilient at matibay ang materyales na ginamit dito.
Ang naturang proyekto ay pamamahalaan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), at katuwang ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Public Works and Highways (DPWH). -- RP/FRJ, GMA News