ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tips sa pagbili ng bahay o condo para 'di maloko


Dahil sa umusbong na kontrobersiya at problema ng mga nakabili sa housing projects ng real estate magnate na si Delfin Lee, hindi maiwasan na may matakot na baka sila rin, maloko sa pagbili ng pangarap nilang bahay o condo unit.

Sa ulat ni Isay Reyes sa GMA news "24 Oras Weekend," ilang tips ang ibinigay ng eksperto para maiwasang sumakit ang ulo pagkatapos na magbayad sa biniling ari-arian.

Ayon sa real estate broker na si Phil Coquia, dapat maging mabusisi ang isang buyer.  Kailangan daw na alam nito ang pinapasok at maging handa at bukas sa paghingi ng tulong.



Kapag nakapili na ng property na nais bilhin, dapat hingin agad ang titulo, tax declaration, at lot plan nito.

Dito kasi makikita kung malinis ba ang record ng property na bibilhin. Paraan din umano ito para malaman kung nakasangla ang bibilhin ari-arian.

Bukod dito, malalaman din kung tama ang presyo, at kung walang problema sa pagdeklara.

At kahit nakuha na ang titulo, dapat pa rin itong ipa-check sa Registry Of Deeds at Land Registration Authority.

"Look at the face of the title and the back if there are encumbrances, liens meaning mortgages, court cases," paliwanag ni Coquia na 20 taon nang broker.

Dagdag pa niya, "If it is clean [title] then you're already assured initially that you are buying thing, right property."

Mas maganda rin daw kung kokonsulta sa mga eksperto tulad ng mga broker.

Dapat na ang may-ari rin mismo ng property ang pipirma at magbibigay ng deed of sale para siguradong may karapatan itong magbenta.

Pumili rin ng mapagkakatiwalaan ang developer at mayroong contract to sell.

Mas mabuti rin kung itatago ang resibo ng lahat ng binayaran at itabi ang deed of absolute sale.

Kung hindi ibibigay at maraming dahilan bago ibigay ng titulo, sapat na umano iyon para magduda ang bibili. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan