ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P4 bilyon mula sa kaban ng bayan, nawawala


Matapos ang ilang dekada, hindi pa rin matukoy ng Commission on Audit kung saan napunta ang P4 bilyong pondo na inilaan sa iba't ibang ahensya ng gobyerno at mga non-government organizations.

Sa isang panayam nitong Lunes, inilahad ni COA chairperson Grace Pulido Tan na itinuturing na nilang nagamit sa maling paraan ang mga nawawalang pondo mula sa kaban ng bayan.

"Under [the] law, there is a presumption that if you are entrusted with money and you do not account for it, then that money was malversed," aniya.

Inihahanda na umano ng COA ang pagsasampa ng kaso sa mahigit 100 katao na hindi nakapagpaliwanag kung saan nila dinala ang mga perang ipinagkatiwala sa kanila.

"There are so many documents. It's not like pupunta tayo sa korte at sasabihin natin, o ito, may utang, singilin niyo. Gagawa ka talaga ng complaint," paliwanag nito.

Ngunit, inamin din ni Tan na nahihirapan ang ahensya na habulin ang mga taong nasa likod ng mga transaksyong ito dahil ang iba sa mga ito ay namatay na o umalis na bilang kawani ng gobyerno.

"Sa dinami-dami nila, siguro patay na yung iba, 'yung iba nag-abroad na, 'yung iba nag-resign na. While we have records, we doubt if we will be able to trace everyone," aniya.

Dagdag pa ni Tan, uunahin muna raw nilang sampahan ng kaso ang mga taong hindi nakapag-liquidate ng halagang P1 milyon pataas.

Ang Civil Service Commission naman umano ang tutugis sa mga opisyal ng gobyerno na may mas mababang mga pananagutan, ani Tan. Sa salary deduction na lang umano idadaan ang pangongolekta sa mga ito.

Noong nakaraang taon, naglabas ang COA ng isang special audit report na nagpakita na bilyon-bilyong pondo ang napunta sa mga kahina-hinalang NGO kasama na ang mga organisasyong pagmamay-ari umano ni Janet Lim Napoles.

Si Napoles ang tinutukoy na pork barrel scam queen.

Ayon pa sa nasabing report, halos P1.5 bilyon pa ang perang hindi na-liquidate ilang taong matapos itong ilaan ng mga mambabatas sa iba't ibang ahensya ng gobyerno.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Napoles at sina Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Bong Revilla Jr. sa kasong pandarambong o plunder kaugnay sa kontrobersyal na pork barrel scam. — Rouchelle R. Dinglasan/BM, GMA News