Mambabatas sa dumadaming nakatira sa kalsada: 'Ano ang ginagawa ng DSWD?'
Nanawagan ang isang kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pagtuunan ng pansin ang dumadaming pamilya na naninirahan sa kalye at gilid ng bangketa sa Metro Manila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza Atienza, na susuriin niyang mabuti ang pondong hihingin ng DSWD para sa 2015 kaugnay na rin sa malaking pondo na inilaan ng ahensiya sa conditional cash transfer (CCT) program na nagkakahalaga ng P66 bilyon ngayong 2014.
"What are you doing with the street dwellers and why are they not getting a share of the CCT?," tanong ng kongresista sa DSWD.
"Now that we are commemorating the social work month, let us see some swift action done in Metro Manila, especially with everything you have in your bag, the P66-billion CCT in particular," dagdag niya.
Puna ni Atienza, dumami ang mga pamilyang Pilipino na nakatira sa mga kariton na nasa kalye ng Espana, Quezon Avenue, at EDSA.
"Ano ang ginagawa ng DSWD? Eto ang poorest of the poor. This is not in the hinterlands or the disaster areas, this is the Metro. Sila ang dapat na may pantawid buhay, sila ang dapat nire-relocate," giit niya.
Dagdag pa ng mambabatas, "Lalo na yung mga infants, babies, toddlers na nasa kalye. Iyung barya na inaabot natin, we just hope it can help but it is the duty of government, more so, of the DSWD, not to forget them."
Sa survey na inilabas ng Social Weather Station nitong nakaraang Enero, lumitaw na halos tumaas sa 12 milyong households ang ikinukonsidera ang sarili na mahirap.
Sa Metro Manila, sinabi sa survey na umakyat sa 46 percent ang nagsabing mahirap, mas mataas sa nakaraang naitala na 43 percent.
Basahin: 11.8M families considered themselves poor at end of 2013 – SWS
Kasunod ng paglabas ng nasabing survey, iginiit ng Palasyo na itutuloy nila ang paggamit ng CCT program. (Basahin: Palace: Conditional cash transfer program to continue as poverty rises)
Ayon kay Atienza, ang pagdami ng mga mahihirap ay pagpapakita ng bigo umano ang programang CCT ng pamahalaan .
"I have asked our barangay coordinators to look into and verify the list of recipients submitted by the DSWD, but sad to say that majority of them are non-existent. The so- called 'recipients list' must have come from the white pages of the directory," anang kongresista.
Sa gagawing paghimay ng 2015 national budget, sinabi ni Atienza na maraming dapat ipaliwanag ang DSWD sa paggamit ng pondo at pagpapatupad ng CCT program. -- RP/FRJ, GMA News