Malalaking lamok na umaatake sa ilang lugar sa Metro Manila, karaniwang lamok lang, ayon sa RITM
Nagrereklamo ang ilang residente sa Maynila at Pasig dahil sa pamemerwisyo umano ng naglalakihang lamok na talaga naman daw masakit kapag "nangagat."
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita nito ang mga lamok na nahuhuli ng mga residente sa Gagalangin, Tundo na mas malaki umano sa karaniwang lamok na kanilang nakikita.
Isang buwan na raw pinuputakte ng dambuhalang lamok ang mga residente sa lugar, na bukod sa dinig ang ugong kapag natapat sa taenga ay masakit daw mangagat at nagdudulot ng pamamantal.
Kaya naman ang ibang residente, nagkukumot para hindi makagat kahit mainit.
Napansin daw ng mga residente na tuwing 5:00 p.m. nagsisimulang maglabasan ang mga lamok.
Pasalamat na lang nila na walang nagkaka-dengue sa kanilang lugar sakabila ng pag-atake ng mga lamok.
Samantala sa Pasig City, nagpadala ng nakakakilabot na larawan ang YouScooper na si Jake Jose kung saan makikita ang napakaraming lamok na nahuli sa kanilang bahay sa barangay Caniogan.
Ang pinggan na pinahiran mantika, tadtad ng lamok. Maging ang kaldero ng kaniyang ka- barangay na si Chinee Marin, nilamok din.
Hinala ng mga taga-barangay, dumarami ang lamok dahil sa pagbaba ng antas ng ilog na malapit sa kanila.
Para makasiguro, nagdala ng sampol ng lamok ang GMA News sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM para masuri.
Ayon sa RITM, ang naturang lamok ay karaniwang lamok sa bahay at maituturing normal lamang ang laki.
Wala rin daw dapat ikabahala sa mga nabanggit na lamok. Bagaman masakit makakagat, hindi naman daw ito ang uri ng lamok na pinagmumulan ng sakit gaya ng dengue.
Pero payo pa ring Department of Health, dapat ugaliin pa rin ang paglilinis ng kapaligiran para hindi dumami ang lamok.
Ang pagdami raw ng lamok ay indikasyon na may problema sa kapaligiran, tulad ng kalinisan o nagpapabaya ng nakaimbak na tubig. -- FRJ, GMA News