Pang-aabuso umano ng ama sa 2 nitong anak, nabunyag sa komprontasyon ng pamilya
Hindi akalain ng isang 23-anyos na babae na ang pagsusumbong niya sa pulisya tungkol sa pang-aabusong ginagawa umano sa kaniya ng sariling ama ay magiging daan para mabunyag ang matagal nang inililihim ng kaniyang ate na ginahasa rin umano at nabuntis ng kanilang ama sa Goa, Camarines Sur.
Sa ulat ni ni Avril Daja ng GMA-Bicol sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing nagtungo sa himpilan ng pulisya ang 23-anyos na dalaga para ireklamo ang ginagawang panghahalay sa kaniya ng ama.
Sinabi ng biktima na 16-anyos pa lang umano siya nang simulang pagsamantalahan ng ama. Ang panghahalay ang dahilan kaya raw lumayas ito ng kanilang bahay at nakitira sa kaibigan.
Nang magkaroon ng komprontasyon ang pamilya, dito na nagsalita ang nakatatandang kapatid ng biktima at ibinunyag ang ginawang panghahalay din umano sa kaniya ng kanilang ama.
Sinabi ng 32-anyos na ate ng biktima na 15-anyos lang siya nang simulang pagsamantalahan ng kanilang ama.
Ayon pa sa biktima, nabuntis siya ng kanilang ama.
Hindi naman makapaniwala ang ina ng dalawang biktima sa kaniyang natuklasan.
Nais niyang ituloy ng kaniyang mga anak ang reklamo laban sa asawa.
Sakabila nito, mariing itinanggi ng lalaki ang alegasyon ng kaniyang dalawang anak.
Iginiit niya na ang mga nobyo ng dalawa niyang anak ang gumahasa sa mga ito at sa kaniyang ibinibintang.
Pero sa imbestigasyon ng barangay, napag-alaman na inireklamo rin ang suspek dahil naman sa tangka raw panghahalay sa apo nito, na muling itinanggi ng suspek.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at kumakalap ng ebidensiya ang pulisya laban sa suspek. -- FRJ, GMA News