ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Inuuod na relief goods, muntik maipamigay sa 'Yolanda' victims sa Leyte


Matapos maiulat ang paglilibing ng mga umano'y nabulok na relief goods, ngayon naman, ilang relief goods na inuuod ang muntik nang maipamigay sa mga biktima ng bagyong "Yolanda" sa isang barangay sa Palo, Leyte.

Basahin: Expired relief goods end up in Palo, Leyte dumpsite

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video footage ng mga bulok na instant ulam na ginagapangan ng mga uod.

Maging ang cup noodles ay kinakitaan din ng mga uod.



Ang mga relief goods ay para umano sa mga biktima ng bagyong "Yolanda" sa barangay Gacao sa Palo, Leyte.

Ang mga pagkain ay inihatid daw sa barangay ng isang hindi nagpakilalang tao noong Martes ng umaga.

Nang inire-repack na nila ang mga ito para ipamamahagi , doon na nakita ang mga nabubulok na pagkain.

"Pero hindi naming alam na bulok na pala 'yon... binuksan naming yung catoon doon na nakita na bulok na pala, inuuod na," ayon kay Ana Docena, kagawad ng barangay.

Sinabi naman ni Panchito Cortes, barangay captain, na hindi na maaaring makain ang mga relief goods dahil "sira na, expired pa at may uod na."

Pumunta umano si Cortes sa Municipal Social Welfare Department upang alamin kung saan galing ang relief goods at inamin daw na pinuno ng ahensiya na sa kanila galing ang mga produkto.

Pinaiimbestigahan na raw ng DSWD ang nangyari at humihingi sila ng paumanhin sa mga nakatanggap ng inuuod na relief goods.

Pero paglilinaw nila, hindi sa kanila galing ang mga ito.

"Ang katotohanan, hindi ito galing sa amin. Kami sa DSWD ay talagang nagkukusa at pinagsisikapan namin na lahat ng mga pagkain man, or non-food items na nakaabot sa kanila ay maganda ang quality," paliwanag ni DSWD Asec Vilma Cabrera.

Hihintayin naman daw ng Palasyo ang magiging resulta ng imbestigasyon ng DSWD para malaman ang katotohanan sa naturang mga inuuod na relief goods. -- FRJimenez, GMA News