Bagong uri ng tilapia na pang tubig-alat, mas masustansiya at malaki raw sa tilapia ng tubig-tabang
Isang bagong klase ng tilapia na pwedeng palakihin sa tubig-alat o dagat ang matagumpay na na-breed ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Dagupan, Pangasinan.
Sa ulat ni Jette Arcillana ng GMA-Dagupan sa GMA news "Saksi" nitong Biyernes ng gabi, sinabing mas hinahanap daw ang tilapia na tubig-alat dahil mas masarap at mas masustansiya kaysa tilapia na pinalaki sa tubig-tabang.
Basahin: Nadiskubreng ‘golden’ bangus sa Pangasinan, ipinaubaya na sa BFAR
Ang bagong breed na tilapia na tinawag na "molobicus hybrid tilapia" ay mas malaki rin umano kumpara sa mga tilapia sa mga palaisdaan.
Tumagal daw ng 15 taon ang binuno ng mga marine biologist at genetists ng BFAR-National Integrated Fisheries Technology Development Center ang pag-cross breed sa tilapia.
Ayon sa BFAR, maaaring maging alternatibo ang pag-breed sa tubig-alat ng mga fish grower sa pagpaparami ng bangus kung madalas makaranas ng fish kill sa kanilang ilog o palaisdaan.
"Pangalawa sa pinakaimportanteng isda sa Pilipinas sa ngayon. Ito kasi ang isda na medyo malawak yung pupwede nating pag-alagaan, pwede siya sa tabang at pwede rin siya sa alat," paliwanag ni Dr. Westly Rosario ng BFAR-NIFTDC.
Tulad ng bangus, apat na buwan ang hihintayin bago i-harvest ang tilapia. Kung sa tubig-alat ito palalakihin, mas mura na umano ang gastos dahil pwedeng lumot lang ang kainin nito.
"Hindi ito katulad ng ordinaryo lang natin na tilapia na ginagamit ng mga commercial farms. So they did a lot of processes to come up with this tolerant scale of tilapia,"ani Dra. Rowena Eguia, scientist, SEAFDEC Agriculture Department.
May bentahe rin daw ito sa international market dahil higit na hinahanap ngayon ang mga tilapia mula sa tubig-alat dahil sa mataas nitong nutritional value.
Ayon sa BFAR, mas mayaman daw ito sa omega 3 fatty acid na mabuti sa puso. At mas masarap at mas malasa rin daw kaysa tilapiang sa tabang. -- FRJ, GMA News