ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking pinilit umanong makipagtalik sa kasintahan sa Bulacan, pinagdududahan ng mga pulis


Gumugulong na ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso ng magkasintahang pinilit umanong magtalik ng isang armadong lalaki sa lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan noong Linggo ng tanghali. Bukod sa hinahanap na suspek, duda rin daw ang otoridad sa lalaking biktima. 

Sa panayam ng GMA News na umere sa Saksi nitong Martes ng gabi, inihayag ni San Jose Del Monte Police Chief Supt. Joel Estaris na habang pinaghahanap pa ang suspek na inilarawan ng mga biktima, sinisilip na rin nila ang 21-taong-gulang na lalaking pinilit umano ng isang armadong lalaki na makipagtalik sa kanyang 17-taong-gulang na kasintahan.
 


"May baril nga, pero maraming pagkakataong pwede siyang tumakas, at humingi ng tulong, sumigaw, o i-save ang sarili niya, pero walang ganoon," aniya.

Sa kabilang banda, inihayag ng lalaking biktima na nagkukwentuhan lamang sila ng kanyang kasintahan at isa pa nilang kaibigan sa ilalim ng puno ng Sampaloc noong Linggo ng tanghali nang tambangan sila ng armadong lalaki. 

"Biglang may sumulpot na lalaki, tinutukan na kami ng baril. Tapos ayon, pinapunta na kami sa may kawayan, tapos pinagtalik," kwento ng 21-anyos na lalaking biktima. "Sabi ko, hindi ko po kaya. Sabi niya, ituloy kasi puputok ang baril."

Ayon sa kanya, sapilitan siyang nakipagtalik sa kanyang 17-taong-gulang na kasintahan, at sa kalaunan, pinagsamantalahan na rin ng suspek ang babaeng biktima.

Matapos ang umano'y pagsasamantala, tumakas ang suspek sakay ang bike ng lalaking biktima tangay ang cell phone at pera ng dalawa, ayon sa ulat.

Ayon kay Estaris, maaaring humarap sa kasong rape at robbery ang suspek, na kasalakuyan nang pinaghahanap. -Amanda Fernandez/RNB/TJD, GMA News
Tags: rape, bulacan