ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng ikinulong daw ng hinihinalang kulto, nasagip; bangkay ng binatilyo, nakuha rin


Nasagip ng mga awtoridad ang isang babae na limang taon na raw ikinukulong ng isa umanong kulto sa Balamban, Cebu. Nakuha rin ang bangkay ng isang 14-anyos na lalaki na inilibing sa loob ng bahay ng suspek.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing armado ng search warrant, sinalakay ng pinagsanib ng puwersa ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang bahay na pag-aari ni Casiano Abdujan Jr.

Una rito, nakatanggap umano ng reklamo ang  Provincial Women Commission na isang babae ang limang taon nang ikinukulong sa bahay ni Abdujan na nagsisilbing kuta ng kulto.



Sa nasabing operasyon, nasagip ng mga operatiba ang babae na kinilalang si Emma Bukabal, 33-anyos. Dahil may impormasyon din tungkol sa isang binatilyong inilibing sa loob ng bahay, hinukay ng mga awtoridad ang isang tunnel at doon nakita ang mga labi ng biktima.

Sinasabing tatlong taon na ang nakararaan nang dalhin doon ang 14-anyos na biktima para ipagamot.

Ayon sa suspek, posibleng ang ama raw ng bata ang naglibing sa biktima sa loob ng bahay.

Ginamit daw ang tunnel para sa treasure hunting.

Kasabay nito, itinanggi ng suspek na kulto sila at sinabing nakikitira lamang sa kaniyang bahay ang mga miyembro.

Isasailalim sa awtopsiya ang mga labi ng binatilyo.

Samantala, dalawang baril din ang nakita sa bahay ng suspek.

Pag-aaralan ng mga awtoridad kung anong mga kaso ang isasampa sa suspek. -- FRJ, GMA News