PNoy, tiniyak na 'di aalisin ang 'Pisay' sa Agham Road
Upang punan ang kakulangan ng mga siyentipiko sa Pilipinas, inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules ang planong pagtatayo ng Philippine Science High School (PSHS) System sa bawat [16] rehiyon ng Pilipinas bago matapos ang kanyang termino sa 2016. "Bago po tayo bumaba sa puwesto ang target ni Kalihim Mario Montejo ng DOST ay magkaroon ng mga sariling 'Pisay' ang 16 nating rehiyon," ani Aquino sa Commencement Exercises ng PSHS sa Quezon City. "Harinawa po, matutupad na rin ang orihinal na plano para sa Philippine Science High School system," dagdag niya. Ang PSHS System ay isang "Service Institute of the Department of Science and Technology (DOST)," na naglalayong magbigay ng libreng scholarship para sa (secondary course) na may espesyal na diin sa mga paksang may kinalaman sa Agham upang maihanda ang mga estudyante sa kukuning karera. Naipatayo ang unang paaralan ng PSHS noon 1964 sa ilalim ng Section 2 ng Republic Act 3661. Mula 9, naging 13 kay PNoy Sinabi ni Aquino na nadagdag ng apat ang paaralan ng PSHS mula nang maupo siya sa Palasyo noong 2010. Kabilang dito ang Ilocos Region Campus, Cagayan Valley Campus, Cordillera Administrative Region Campus, Central Luzon Campus, Main Campus (Diliman), Bicol Region Campus, Central Visayas Campus, Eastern Visayas Campus, Western Visayas Campus, Central Mindanao Campus, at Southern Mindanao Campus. "Sa labas naman po ng Diliman patuloy pa rin ang ating suporta sa PSHS system," sabi ni Aquino. Nilinaw din ni Aquino na hindi ililipat ng ibang luhar ang mga estudyante at guro gaya ng mga kumakalat na balita. "Alam ko hong may mga agam-agam ukol sa nababalitang paglilipat ng inyong campus, ako na mismo ang nagsasabi sa inyo mananatili ang Pisay sa Agham Road," sabi niya. Dagdag pa nito, "Si [Quezon City] Mayor Herbert nga ho ang unang tututol 'pag inilipat ito. Marami hong nag-aagawan na maglagay ng campus sa kanilang mga lugar, papayag ba siyang alisin ang main campus ng Philippine Science High School sa Quezon City? Palagay ko hindi." 'Walang mahinang produkto' Sa kanyang talumpati, iginiit ni Aquino ang kahalagahan ng mga siyentipiko at hinamon ang mga bagong-tapos ng PSHS na gamitin ang kanilang kaalaman upang tulungan ang bansa. "Sino kaya sa inyo ang gagamit ng [kanilang] talento para tugunan ang problema ng ating mga bansa? Ilan ang yayaman at aasenso at ilan sa inyo ang pipiliing tumanaw ng utang sa ating mga boss?" sabi niya. Ayon kay Aquino, patuloy na susuportahan ng gobyerno ang PSHS system dahil sa kalidad ng mga nagtatapos mula rito. "Hanggang sa araw na ito, wala pa akong nakikilalang mahinang produkto ng Pisay," pahayag ni Aquino, at tinutukoy sina Transportation Secretary Jun Abaya at GPH panel chair Miriam Coronel-Ferrer. Dagdag pa niya, "Batid ko po: Ang husay nina Secretary Jun, Propesora Iye, at ng iba pa ninyong mga alumni ay nanggagaling sa maagang pagsasanay dito sa inyong paaralan." "Kailangan kayo ng ating bayan. Umaasa nga po ako: Sa mga susunod na panahon, bilang mga alumni na magtatagumpay sa larangan ng agham, ay maninindigan kayo para sa interes ng nakakarami," dagdag nito. Kabilang ang pamangkin ni Aquino na si Jacinta Patricia, anak ng kanyang kapatid na si Viel Aquino-Dee, sa mga nagtapos nitong Miyerkules. -- Rei Takumi/FRJ, GMA News