Ilang bading o transgender, nasasadlak din sa prostitusyon
Hindi katulad ng napapanood sa mga pelikula na ang mga bakla o transgender ang parokyano o nagbabayad sa lalaking prostitute sa mga gay bar, sa isang ulat ng GMA news "24 Oras," tinalakay ang reyalidad ng buhay na may mga bakla rin na nasasadlak sa prostitusyon at nag-aalok ng panandaliang aliw kapalit ng pera.
Sa naturang ulat ni Kristina Son sa "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita nito ang mundo ng ilang transgender sa Makati City pagsapit ng dilim upang mag-alok ng panandaliang aliw sa kanilang mga kliyente.
Sa bahagi ng P. Burgos Street at Makati Avenue, makikitang pumupuwesto ang ilang transgender sa tabi ng mga poste at nakikipag-usap sa kanilang mga kliyente, na ang iba ay mga foreigner.
Pagkaraan ng ilang sandaling pag-uusap, umaalis na ito kasama ang kliyente.
Si "Dimple," walong taon na raw sex worker sa lugar, sinabing nasabak sa naturang uri ng trabaho dahil sa isang kaibigan.
"Yung friend ko sinama niya ko dito ganun tapos 'yon... nakita kong madali ang pera, " lahad niya.
Sinasabing 8:00 p.m. hanggang 5:00 a.m. kinabukasan ang oras na karaniwan silang pumupuwesto sa bahaging iyon ng Makati.
"Pag mga kotse, 'yon sesenyasan kami, tapos 'pag mga foreigner naman, mag-uusap kayo, lalapit sila sa'yo...short time lang 'yon," dagdag pa ni Dimple.
Mas lumaki raw ang kita ni Dimple mula nang magpa-sex change siya dalawang taon na ang nakararaan.
Basahin: Makatwiran bang pagbawalang gumamit ng 'CR' ng babae ang mga transgender?
Wala daw siyang pagsisisi dahil nagagawa naman niyang makatulong.
Si "Deborah" na isa ring transgender, apat na taon na raw nagtitiis sa naturang uri ng trabaho.
Kapalit daw ng malaking kita ang hirap na kailangang pagdaanan ng katulad niyang gay prostitute.
Kung minsan daw kasi ay nabubugbog sila at nakukulong kahit walang kasalanan.
Ayon kay Naomi Fontanos, ng Gender and Development Advocates o Ganda Filipinas, may dalawang uri ng gay prostitution sa bansa.
"Yung isa pang uri naman ng direct sex work ay yung nakikita natin sa Makati. Yung indirect sex work kasama na diyan yung cyber chat," paliwanag niya.
Iligal ang prostitusyon sa Pilipinas alinsunod sa Republic Act 9208 o mas kilala bilang Anti-trafficking in Persons Act. Pero pagdating sa prostitusyon ng mga bading, wala umanong ngipin ang batas.
"Base po sa batas natin, women pa lang po ang nakalagay," ayon kay PC/Insp. Jojo Anaz, sub-station-6, Makati.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Fontanos na hindi pa rin ligtas sa batas ang mga gay prostitute dahil ibang batas umano ang ginagamit ng mga awtoridad para para i-prosecute sila.
Kabilang umano dito ang pagpapataw ng mga reklamong acts of lasciviousness, o public scandal, o vagrancy sa mga gay prostitute.
Batid daw ng mga katulad nina Dimple at Deborah ang peligro ng napili nilang kabuhayan. At wala daw hindi gugustuhin na makaahon sa naturang kalagayan kung mabibigyan sila ng magandang oportunidad. -- FRJ, GMA News