Bagong graduate na binatilyo, patay sa lunod sa Calasiao, Pangasinan
Mag-ingat sa pagsu-swimming ngayong bakasyon. Sa Calasiao, Pangasinan isang binatilyo na kaka-gradute lang sa high school ang nasawi matapos malunod sa isang resort kasama ang kaniyang mga kaklase para ipagdiwang ang kanilang pagtatapos.
Sa ulat ni Joyce Segui ng GMA-Dagupan sa GMA News Tv's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing kaka-graduate lang ng biktimang si Francis Quilala sa high school noong nakaraang linggo kaya masakit at hindi matanggap ng kaniyang ama ang sinapit ng 16-anyos na biktima.
Nalunod ang binata nang mapunta sa malalim na bahagi ng swimming pool. Kasama raw ni Quilala na nag-outing ang ilan niyang kaklase bilang selebrasyon sa kanilang pagtatapos.
Hindi marunong lumangoy ang biktima at huli na raw nang mapansin ng kanyang mga kaklase na napunta na pala ito sa malalim na bahagi ng swimming pool.
Inaalam ngayon ng pulisya kung may pananagutan ang pamunuan ng resort sa nangyari.
Tumangging magbigay ng pahayag sa harap ng camera ang pamunuan ng resort pero iginiit nilang may life guards na nagbabantay sa mga swimming pool nang malunod ang biktima.
Wala raw kaagad humingi ng tulong kaya hindi agad narespondehan ang pagkalunod ng binata. -- FRJ, GMA News