ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Puso ng 2 Pinay, pinaglaruan ng dayuhang nakilala nila sa chat; binutas pa ang kanilang bulsa


Babala sa mga Pinay na naghahanap ng pag-ibig sa pamamagitan ng pakikipag-chat sa Internet. Dalawang Pinay ang nagsumbong sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa ginawang panloloko umano sa kanila ng kanilang dayuhang boyfriend na nakilala nila sa online chat, na lumitaw na miyembro pala ng isang international syndicate na "419 scam" kung tawagin.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing isang Liberian national ang nadakip sa entrapment operation ng NBI na miyembro umano ng "419 scam" syndicate. Ang naturang suspek ang nagsisilbi raw courier sa ipinapadalang pera ng dalawang Pinay sa kanilang mga dayuhang boyfriend.



Kuwento ng dalawang nagreklamo, niligawan sila sa pamamagitan ng online chat noong isang taon ng dayuhang nagpakilalang Sam Adams at John David.

Dahil sa tamis ng pamamalita, napaibig ng mga dayuhan ang mga biktima at dito na sila hiningan ng pera hanggang sa umabot na umano sa kalahating milyon ang kanilang naipadala.

Ang masaklap pa nito, karamihan sa perang kanilang naibigay ay inutang lang daw ng mga biktima.

Hindi raw akalain ng dalawang Pinay na lolokohin lang sila ng mga dayuhan nobyo na nangako sa kanila ng kasal.

Samantala, mariin namang itinanggi ng nadakip na suspek na si Harry Shoum Tenessee, ang paratang laban sa kaniya. -- FRJ, GMA News

Tags: scam