ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bata, namatay sa rabies ilang buwan matapos makagat ng aso


Muling nagpaalala ang mga awtoridad na huwag balewalain ang kagat ng aso--dumugo man o hindi ang sugat na likha ng kagat. Sa Cares, Iloilo, ang isang siyam na taong gulang na lalaki ang namatay nitong nakaraang Marso dahil umano sa rabies kahit nangyari ang insidente ng pangangagat ng aso noong pang Disyembre 2013.

Sa ulat ni Jennifer Muneza ang GMA-Iloilo sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon,"  napag-alaman na nakagat sa paa ng aso noong Disyembre ang biktimang si Justin Jay Solis.

Pero hindi agad naipatingin ang bata sa ospital hanggang sa nitong nakaraang Marso, naging balisa umano ang biktima at nilagnat kaya ipinasuri na sa ospital.



Ayon sa mga duktor, naimpeksiyon ng rabies si Solis. Matapos mabakunan, pinauwi rin ang biktima.

Pero lumubha umano ang kalagayan ng bata. Ngunit sa halip na ibalik sa ospital, dinala ang biktima sa albularyo.

Ayon sa lola ng bata, sinabihan sila ng albularyo na mahirap nang pagalingin ang kaniyang apo dahil marami na umano ang sumapi rito. At nitong Marso 13, tuluyan nang pumanaw ang biktima.

Dahil sa pahayag ng albularyo, hindi naniniwala ang lola ng biktima na rabies ang ikinamatay ng bata.

Ang ina naman ng biktima, hinihinalang nagkaroon ng pagkakamali sa ibinakuna sa kaniyang anak kaya lumubha ang kalagayan nito.

Gayunman, nanindigan ang mga duktor na rabies mula sa kagat ng aso ang ikinamatay ng biktima. -- FRJ, GMA News

Tags: rabies