Ilang baka sa Abra, namatay dahil sa 'blackleg' na sanhi daw ng matinding init ng panahon
Siyam na baka sa Lagayan, Abra ang magkakasunod na namatay dahil sa sakit na "blackleg." Kadalasan daw kumakalat ang nabanggit na sakit ng hayop sa lugar na nakararanas ng matinding init ng panahon.
Sa ulat ni Jett Arcillana sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing ang blackleg na nag-uugat daw sa bacteria na madaling kumalat kapag tag-init.
Nagdeklara na ng outbreak sa buong bayan at hinihinalang mayroon pang ibang baka na tinamaan ng naturang sakit.
Kabilang sa sintomas ng blackleg ang pagdurugo ng ilong ng hayop, panlalambot ng mga binti, kawalan ng ganang kumain, at namamaga ang likod, binti at leeg.
Ang baka na apektado ng blackleg ay namamatay umano sa loob lamang ng 24 oras.
Ipinagbabawal na kainin ang karne ng baka na namatay sa nabanggit na sakit.
Kaugnay nito, puwede rin umanong tamaan ng heat stroke ang mga baka na lantad sa matinding init ng panahon.
Nitong nakaraang Martes, umabot sa 37 degrees Celsius ang temperatura sa Dagupan City, 36.5 naman sa Subic at 36.1 sa Tuguegarao
Para maiwasan ito, payo ng Department of Agriculture, ilagay sa malilim na lugar ang mga hayop lalo na sa tanghali.
Ang mga nag-aalaga ng baboy at baka sa Ilocos Norte, panay na ang paliligo sa kanilang hayop bilang panlaban daw sa init ng panahon. -- FRJ, GMA News