Capisaan Cave System sa Nueva Vizcaya, nais ipadeklarang tourist destination
Nais ng isang mambabatas na maideklarang tourist zone ang Capisaan Cave System na makikita sa munisipalidad ng Kasibu, sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Sa House Bill 4127, na inihain ni Nueva Vizcaya Rep. Carlos Padilla, inaatasan nito ang Department of Tourism (DOT) na magpatupad ng mga programa at proyekto para mapahusay ang mga kweba sa lugar at ideklarang tourist attraction.
Ayon sa kongresista, aksidenteng nadiskubre ang Capisaan Cave system nang naghahanap ng ibang mapupuntahan ang grupo ng cave enthusiasts dahil napinsala noon ang Salinas Salt Springs sa bayan ng Bambang dahil sa malakas na paglindol noong 1990.
Mula noon, kumilos na umano ang iba't ibang grupo ng cave enthusiasts upang mapansin ng mga dayuhan at lokal na turista ang ipinagmamalaking kagandahan ng Capisaan Cave system.
“Despite numerous groups having visited the Capisaan Cave system, its immense formations remain untouched and the cave system is still considered pristine and intact,” ayon kay Padilla.
Dagdag pa ni Padilla, bukod sa nabuong mga hugis sa loob ng kuweba, tahanan din umano ng iba't ibang flora and fauna ang kagubatan sa Capisaan Cave system.
“With all of these that the cave system has to offer, there is a need for a comprehensive development plan to manage the Capisaan Cave system while ensuring the conservation and protection of its immediate environment,” ayon sa mambabatas.
Sa sandaling maaprubahan ang panukalang batas, inaatasan nito ang DOT, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga saklaw ng ahensiya, na lumikha ng development plan para sa pagpapahusay ng mga pasilidad sa Capisaan Cave system para tumanggap ng mga bibisitang turista. -- RP/FRJ, GMA News