Laser, gunting o pukpok?: Alin nga ba ang mas okey na paraan para magpatuli?
Ang "summer" o bakasyon ay hindi lang panahon ng pagliliwaliw. Panahon din ito sa mga nagbibinata na gustong mag-level up ang ka-machohan sa paraan ng pagpapatuli. At sa paglipas ng panahon, mula sa de-pukpok, ginagamit na rin ngayon ang laser bilang modernong paraan ng pagtuli.
Ngunit kumpara sa nakaugaling tuli na de-pukpok o de-gunting sa duktor, medyo may kamahalan nga lang ang tuli na ginamitan ng laser.
Sa isang ulat ng GMA news "24 Oras," sinabing nagkakahalaga ng P3,500 ang laser-tuli.
Sa halip na gunting o kutsilyo, laser ang gagamitin sa paghiwa sa balat ng maselang bahagi ng lalaki.
Mas madali raw maghilom ang sugat na likha ng laser, mas kaunti ang pagdugo, at mas mabilis din ang paggaling.
Pero kung hindi kaya ng bulsa at tapang ang laser, puwede naman samantalahin ang mga isinagawang "libreng tuli" ng mga lokal na pamahalaan. Iyon nga lang, baka nerbiyusin ang magpapatuli kapag nakita ang reaksiyon ng ibang magpapa-'Jolina.'
Bukod sa bahagi ng kulturang Pinoy ang pagpapatuli ng mga lalaki, may kaakibat din itong usaping pangkalusugan o for hygienic purposes ika nga. Mas magiging malinis ang maselang parteng iyon ng katawan ng lalaki kung tuli na.
Kung nais maging pribado ang pagpapatuli, nagkakahaga umano ng P500 hanggang P1,000 ang operasyon ng pagpapatuli sa duktor sa Maynila.
Pero kung kapos talaga sa badget ngunit buo naman ang loob, bakit hindi subukan ang tradisyunal na paraan ng tuli na de-pukpok. Sa ganitong paraan, mas masusukat talaga ang tapang at tibay ng nagpapatuli.
Ang kailangan lang ay ibabad sa tubig ang maselang bahagi ng katawan para lumambot ang balat nito, magdala ng kapirasong malinis na telang puti na may butas na bilog, nginuyang dahon ng bayabas, at magpapukpok na kay manong.
Sa dami ngayon ng paraan na pagpipilian para "mabinyagan," wala nang dahilan ang mga kabataang lalaki para hindi sumalang sa mahalagang ritwal na ito ng pagkalalaki. O ano, 'jolina' ka na ba?-- FRJimenez, GMA News