Panukalang batas para sa abortion, malabong mangyari, ayon kay Belmonte
"Speculation." Ito ang inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr., kaugnay sa mga hinala na susunod na ipapasa ng Kongreso ang mga batas tungkol sa diborsiyo, same sex marriage at maging sa abortion, makaraang aprubahan ng Korte Suprema ang Reproductive Health (RH) law.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ng lider ng Kamara de Representantes, na sa ngayon ay tanging divorce bill lang ang naihahain sa kapulungan. Gayunman, hindi umano ito kasama sa mga prayoridad na aaksyunan ng mga mambabatas.
"While a Divorce Bill has been indeed filed, my personal views on the issue as well as those of my colleagues will be irrelevant at this point because like any measure filed, it will have to go through the regular legislative process," paliwanag ni Belmonte.
Dagdag pa niya, "This means that thorough studies, committee and possible public hearings will still be held before the bill reaches final congressional approval."
Sa ngayon, ang prayoridad umano ng kapulungan ay matalakay ang panukalang batas tungkol sa pagbuo ng Bangsamoro Entity, ang pag-amyenda sa economic provisions sa Saligang Batas, Freedom on Information (FOI) bill, at iba pang panukalang batas na higit na kailangan ng mga mamamayan.
Tungkol sa abortion bill, iginiit ni Belmonte na malayo umano itong mangyari.
"The idea of having an abortion bill is very far-fetched and involves playing God to the unborn which is a role we will not play. It also runs counter to our principle of aiming to improve the lives of our people," ayon sa kongresista. -- RP/FRJ, GMA News