Batang magpinsan, nalunod sa swimming pool na apat na talampakan ang lalim
Nauwi sa pagluluksa ang masaya sanang summer outing ng isang mag-anak nang malunod ang dalawa nilang kaanak na bata sa swimming pool ng isang resort sa Malinao, Albay.
Sa ulat ni Charissa Pagtalunan ng GMA-Bicol sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, sinabing naghihinagpis ang mga kaanak ng dalawang bata na edad walo at sampu dahil naging mabagal umano ang pagkilos ng life guard ng resort.
Kuwento ng kasama ng mga bata, pagdating nila sa resort ay hindi nila namalayan na kaagad lumusong sa swimming pool ang magpinsang sina Blessie Eunice Bonaobra, 8-anyos, at Elena Carlet, 10.
Ang ibang nagsu-swimming umano ang unang nakapansin at sumaklolo sa mga bata at hindi raw ang mga life guard sa resort.
Pero giit ng pamunuan ng resort, hindi nagkulang ang kanilang mga lifeguard. Katunayan, sinubukan pa nga raw ng isa sa mga lifeguard na iligtas ang buhay ng mga bata sa pamamagitan ng pag-CPR para ma-revive ang mga biktima.
Hiling ng pamilya ng biktima sa may-ari ng resort, magkaloob sa kanila ng tulong pinansyal para sa gastusin sa pagpapalibing sa mga bata.
Wala pang bagong pahayag ang naturang resort tungkol sa insidente. -- FRJ, GMA News