1 sa mga akusado sa pagbugbog umano kay Vhong Navarro, nakalabas ng bansa
Kinumpirma ni Justice Secretary Leila de Lima nitong Martes na isa sa mga akusado sa pambubugbog umano sa TV host-actor na si Vhong Navarro ang nakalabas ng bansa.
"The Bureau of Immigration confirmed to me yesterday that Jose Paolo Calma left the country on April 10," pahayag ni De Lima sa press briefing.
Ayon sa kalihim, nakalagay ang pangalan ni Calma sa "lookout bulletin" bilang "John Paul Calma."
"Immigration Commissioner [Siegfred] Mison is now looking into this," dagdag ni De Lima.
Apat araw makaraang makaalis ng bansa si Calma, naglabas ang Metropolitan Trial Court Branch 74 sa Taguig City ng warrants of arrest laban kina Calma, Deniece Cornejo, businessman Cedric Lee at iba pang akusado sa kasong grave coercion na isinampa ni Navarro.
Nauna nang itinanggi ni Calma na may kinalaman siya sa nangyaring pambubogbog kay Navarro na naganap noong Enero 22 sa isang condominium building sa Taguig City.
Sa kaniyang counter-affidavit na isinumite noong February 28, sinabi ni Calma na may kausap siya sa telepono at nasa labas ng condo unit ni Cornejo nang mangyari sa umano'y pananakit sa aktor.
"I am not a party to any of the crimes being imputed by complainant against me since my only and sole participation in the entire controversy is being together with him in the elevator going down from the second floor where Deniece's condo unit is located, to the lobby," ani Calma.
Nauna nang iginiit ng kampo nina Lee at Cornejo na nasaktan nila si Navarro dahil sa panghahalay na ginawa umano nito sa dalaga.
Bernice Lee, nagpiyansa
Samantala, pansamantalang nakalaya naman si Bernice Lee, kapatid ni Cedric, matapos maglagak ng P12,000 piyansa nitong Martes sa kasong grave coercion.
Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Investigation (NBI) si Bernice noong Lunes ng gabi sa bisa ng arrest warrant.
“You are hereby directed to discharge from custody Bernice Cua Lee aka Marie, she having posted a required cash bail bond in the amount of P12,000.00 under O.R. No. 2625721 deposited to the Office of Clerk of Court dated April 22, 2014 for her provisional liberty,” atas ng Taguig-MTC Branch 74 sa NBI. — FRJ, GMA News