ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang babae, aksidenteng natusok sa ulo ng sibat na panghuli ng isda


Inoperahan ang isang 11-anyos na babae sa Luba, Abra para alisin ang sibat na tumusok sa ulo nito. Hawak ng bata ang sibat na panghuli ng isda nang madulas ito sa bukid habang patungo sa ilog.

Sa ulat ni Brigitte Mayor ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, sinabing nagpapagaling na sa ospital sa Banguet, Abra ang biktimang si Jessica Balanay.



Ayon sa duktor na nag-opera sa bata, hindi naman malubha ang tinamong sugat ng biktima dahil sa balat lang ng ulo bumaon ang may tatlong pulgadang bahagi ng sibat.

Kwento ng bata, bitbit niya ang sibat habang naglalakad sila ng kaniyang kapatid at tiyahin sa pilapil habang tinatahak ang daan papunta sa ilog para magpiknik.  Pero aksidente siyang nadulas at tumusok ang sibat sa bahaging likuran ng kaniyang taenga.

Dahil sa aksidente, muling nagpaalala sa publiko ang mga awtoridad na huwag pahawakin ng matutulis na bagay ang mga bata. -- FRJ, GMA News

Tags: accident