ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kailan unang bumisita sa Pilipinas si Pope John Paul II?


Alam niyo ba na hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung hindi tatlong beses bumisita sa Pilipinas ang namayapa at nakatakdang maging Santo na si Pope John Paul II, na ang tunay na pangalan ay Karol Jozef Wojtyla.

Nahirang na Santo Papa ng Vatican si Wojtyla noong Oktubre 1978.  Taong 1981 nang maganap ang unang "opisyal" na pagbisita niya sa Pilipinas bilang isang Santo Papa.

Sinasabing ang pagbisita ni Pope John Paul II noong 1981 ang naging daan para opisyal na alisin ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ang idineklara niyang Batas Militar  noong 1972.

Nakasentro ang pagbisita ng Santo Papa noong 1981 para sa gagawing canonization o pagdedeklara sa unang Pinoy Saint na si San Lorenzo Ruiz.

Bumalik sa bansa si Pope John Paul II noong 1995 para sa makasaysayang “World Youth Day,” kung saan tinatayang nasa apat hanggang limang milyong katao ang dumalo sa pagtitipon sa Luneta.

Pero ang unang pagbisita ni Pope John Paul II sa Pilipinas ay "hindi opisyal" at naganap noong 1973, kung saan kilala pa lamang siya bilang si Kraków Archbishop Karol Józef Cardinal Wojtyla, limang taon bago siya naging Santo Papa.

Mula sa airport sa Pasay, nagpahatid si Cardinal Wojtyla sa pinakamalapit na simbahan -- ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church, kung saan siya nakapagdaos ng misa.

Nang bumalik siya sa bansa noong 1981 bilang isa nang Santo Papa, binalikan niya ang Baclaran church at kaniyang binendisyunan.

Isang plake ang makikita sa harapan ng simbahan na nagsasaad ng ginawang pagmimisa doon ng noo'y si Cardinal Wojtyla, na magiging si Pope Saint John Paul II. -- FRJimenez, GMA News

Tags: pinoytrivia