Mga nakulong sa kasalanang 'di nagawa, pinabibigyan ng kompensasyon
Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong bayaran o mabigyan ng kompensasyon na aabot ng P100,000 bawat taon ng pagkakakulong, ang isang taong nakulong sa kasalanang hindi naman nito ginawa.
Sa ilalim ng House Bill No. 3811 na inihain ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, nais nitong mabigyan ng kompensasyon ang mga taong hinatulang makulong ng mababang korte pero pinawalang-sala naman ng Korte Suprema.
“The Supreme Court’s reversal of the ruling of the lower court consequently means that a person not otherwise guilty of the crime for which he or she was charged, had been incarcerated for a crime he or she did not commit,” paliwanag ni Rodriguez, isang abogado.
Sa ilalim ng panukala, ang taong ipinakulong ng mababang korte pero pinawalang-sala ng SC ay maaaring humingi ng kompensasyon batay sa kaniyang dapat kitain sa bawat taon na inilagi niya sa kulungan, na hindi bababa sa P100,000 bawat taon.
“The bill aims to compensate a person wrongfully convicted of a crime in order to indemnify him or her for the loss, injury and damage brought about by such wrongful conviction,” paliwanag ng mambabatas.
Gayunman, hindi naman puwedeng humirit ng kompensasyon ang napawalang-salang bilanggo kung nakakulong pa rin ito dahil sa iba pang kaso.
Inaatasan ng panukalang batas ang Department of Justice, Department of Finance , at kinauukulang ahensiya ng SC na bumuo ng kaukulang regulasyon at panuntunan sa pagpapatupad ng panukala kapag naging ganap na batas.
Noong Disyembre 2010, pinawalang-sala at pinalaya ng SC si Hubbert Webb at limang iba pang akusado sa Vizconde massacre case matapos ang 15 taon nilang pagkakakulong.
Sa resolusyon ng mga mahistrado, binaliktad ng SC ang naunang desisyon ng mababang korte dahil bigo umano ang hukuman na patunayan na talagang may kinalaman sa karumal-dumal na krimen na naganap noong 1991 ang mga akusado. -- RP/FRJ, GMA News