Mga manggagawa, walang maaasahang anunsiyo ng umento sa Labor Day
Walang maaasahang magandang balita ang mga manggagawa pagdating sa usapin ng dagdag-sahod ngayong Labor Day. Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, inihayag ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz, na isang beses lang sa isang taon tinatalakay ng regional wage board ang minimum wage.
“Minimum wage ang gusto nila across the board. Mas balanced yung magiging approach 'pag regional wage setting instead of national minimum wage kasi nako-consider sa minimum wage fixing kung ano yung socio-economic indicators within the region,” paliwanag ng kalihim.
Nito lamang Enero ipinatupad ang P15 wage hike na nagtulak sa minimum wage sa Metro Manila sa P466 per day.
Samantala, inanunsiyo rin ni Pangulong Benigno Aquino III sa pakikipagpulong niya sa iba't ibang grupo ng mga manggagawa nitong Martes na wala ring maibibigay na dagdag na sahod ng pamahalaan sa mga kawani nito.
Ayon sa pangulo, walang sapat na pondo ang pamahalaan para gamitin sa dagdag pasahod sa 1.6 milyong kawani ng gobyerno.
Ikinadismaya naman ng mga grupo ng mga manggagawa ang pahayag ni Aquino dahil umiiral na ang salary standardization law, ang batas na pamantayan sa regular salary increase sa government workers.
“Wala kaming nakitang mga paborableng posisyon ng Malacañang kung hindi pag-aaralan pa,” ayon kay Roger Soluta ng Kilusang Mayo Uno.
Ipaglaban ang sahod
Nanawagan naman ang ilang kongresista sa mga guro at mga kawani na ipaglaban ang kanilang karapatan sa dagdag na sahod ngayon Araw ng Paggawa.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. Antonio Tiñio, may inihain siyang panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong itaas sa P25,000 ang buwanang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan at P15,000 naman para sa mga non-teaching personnel.
Sa kasalukuyan, tumatanggap lang umano ng P18,549 na sahod ang mga guro na nasa Salary Grade 11, habang P9,000 naman ang non-teaching personnel para may Salary Grade 1.
Ayon kay Tiñio, lalo pang dumadami ang mga mambabatas na sumusuporta sa naturang panukala.
Isinusulong din ng Anakpawis party-list group ang HB 3015 na naglalaman ng P6,000 salary hike sa minimum pay para sa public sector workers.
Kinastigo naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan ang ipinatupad na two-tiered wage system umano ni Aquino kung saan agrabyado umano ang mga bagong manggagawa at mga low-skilled worker na pinapasahod ng mas mababa sa minimum wage.
“Slave-level wages amid increases in the price of basic commodities, utilities and oil. The situation of Filipino workers, especially the women workers under President Aquino is evidence of this government’s failure in economic management and its anti-worker leanings,” giit ni Ilagan.
Sa Senado, naghain naman si Senator Antonio Trillanes IV ng panukalang batas na itaas sa P16,000 mula sa P9,000 ang pinakamababang sahod sa mga kawani sa pamahalaan.
Kasama sa panukalang ng senador na itaas ang sahod ng mga mambabatas.
Ang sahod ng Pangulo ng bansa na umaabot sa P120,000 bawat buwan sa kasalukuyan, nais ni Trillanes na itaas sa P1 milyon. -- RP/FRJ, GMA News