ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy sa publiko: Pumili ng mga pinunong itutuloy ang pagrereporma sa gobyerno


Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III nitong Huwebes sa publiko na iboto ang mga pinunong ipagpapatuloy ang mga repormang nasimulan ng kanyang administrasyon.

"Ang pakiusap ko po kung naniniwala kayo na tama ang ating ginagawa, kung ayaw ninyong mabalewala ang maganda nating nasimulan sa tuwid na daan, piliin natin ang mga susunod na pinunong magpapatuloy at higit pang magpapayabong sa ating mga naipunlang reporma," ani Aquino sa kanyang talumpati sa Integrated Micro-Electronics, Inc. Compound sa Laguna.

Inihayag niya ito bilang komento sa kamakailan lamang kalalabas na sarbey ng Pulse Asia na isinagawa noong nakaraang buwan, kung saan 40 porsyento sa 1,200 Pilipinong botante ang nagsabing pipiliin nila si Vice President Jejomar Binay na maging pangulo kung isasagawa na ngayon ang eleksyon.

Malaki ang agwat ni Binay sa iba pang mga potensyal na mga kandidatong pagkapangulo, kabilang si Grace Poe, ang sumunod sa kanya sa listahan at nakakuha ng 15 porsyento.

Ikalima naman sa listahan si Interior Secretary Mar Roxas, na nauna nang kinilala ng ilang mga opisyal ng administrasyon bilang Liberal Party bet para sa 2016 presidential race. Nakakuha siya ng 6 porsyento.

Samantala, itinanggi naman ni Aquino, ang LP chairman, na ihayag ang kanyang 2016 bet.

Noong Huwebes, hinikayat niya ang mga botante na piliin ang mga pinunong ipagpapatuloy ang sinimulan ng kanyang administrasyon.

"Piliin natin ang karapatdapat upang maging permanente ang malawakang transpormasyong tinatamasa ng ating lipunan," aniya.

Gayundin, sinabi niyang: "Dahil sa mga pinunong inuna o inuuna ang sariling interes matagal tayong nasadlak sa malubhang kahirapan at katiwalian... hanggan sa nagkaisa nga po at nagsama-samang nanindigan ang mga Pilipino para sa pagbabago." — Amanda Fernandez/BM, GMA News