27k ektarya ng sakahan sa Luzon, apektado ng pagtigil ng suplay ng tubig para sa irigasyon
Kaniya-kanya munang diskarte ang mga magsasaka sa ilang lugar sa Bulacan at Pampanga para mapatubigan ang kanilang mga pananim matapos pansamantalang itigil ang suplay ng tubig sa mga irigasyon bunga ng pagbaba sa kritikal na antas ng tubig sa Angat dam.
Sa ulat ni Hadji Rieta sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing aabot sa 27,000 ektaryang taniman sa dalawang nabanggit na lalawigan ang maapektuhan ng pagtigil ng suplay ng tubig.
Ang tribong Dumagat, nagsagawa ng kanilang ritwal na pagsayaw na isang uri ng dasal para humiling ng ulan mula sa kanilang bathala.
Batid kasi ng mga katutubo ang masamang epekto ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat dam.
Nitong Lunes, pansamantalang hininto ang pag-suplay ng tubig ng Angat dam sa irigasyon.
Pero pagtitiyak ng National Irrigation Administration o NIA, kaya pa nitong maglaan ng tubig sa loob ng 10 araw para sa mga sakahan sa dalawang probinsya.
Kukunin ang suplay mula sa Bustos dam.
Maseserbisyuhan nito ang ilang bahagi ng Bocaue sa Bulacan, at San Luis at Candaba sa Pampanga.
Pero ang ilang magsasaka sa Bulacan, kaniya-kaniyang diskarte na sa pagpapatubig.
Ang ilang taga-Malolos, gumagamit na ng mga water pump para hindi tuluyang matuyo ang kanilang mga palayan.
May iba namang kampanteng sasapat pa ang suplay ng tubig hanggang sa nalalapit na anihan.
Samantala, sa Mlang, North Cotabato, patuloy rin na bumababa ang antas ng tubig sa dalawang malaking lawa.
Kung dati ay lampas tao ang tubig, ngayo ay halos limang talampakan na lamang ito.
Dahil dito apektado rin ang mga sakahan sa bayan.
Problemado tuloy ang mga magsasakang nagtanim ng binhi noong Pebrero. Gayundin ang mga magsasakang naghahanda pa lang sanang magtanim. -- FRJ, GMA News