Ginang at 5-buwang gulang na sanggol, sugatan matapos mabundol ng motorsiklo
Sugatan ang isang ginang at kaniyang limang-buwang-gulang na sanggol matapos silang mabundol ng humaharurot na motorsiklo sa Magarao, Camarines Sur.
Sa ulat ni Michelle Chua ng GMA-Bicol sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes,sinabing sugatan din ang tatlong sakay ng motorsiklo.
Sa kuha ng isang closed-circuit-television camera, makikita ang ginang na si Margie Salazar na bumaba sa isang tricycle at karga ang kaniyang anak.
Pagtawid ng mag-ina sa kalsada, biglang dumating ang motorsiklo at nahagip ang mga biktima at tumilapon.
Kaagad namang tumulong ang mga residente sa lugar para madala sila sa ospital.
Ayon sa ulat, nakalabas na ng ospital ang mga nasangkot sa aksidente maliban sa rider ng motorsiko na si Jonathan Mendoza na posibleng maharap sa kaso. -- FRJ, GMA News