ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Planong mandatory HIV test ng DOH, haharangin sa korte


Nagbanta ang ilang grupo na dudulog sila sa korte kapag itinuloy ng Department of Health (DOH) ang plano nito na gawing mandatory o sapilitan ang pagpapasuri para sa Human Immunodeficiency Virus (HIV).

Sa ulat ni Dante Perello sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, iginiit ng ilang civil society groups na labag sa karapatang pantao ang mandatory HIV test.

Ayon sa Network to Stop AIDS Philippines, hindi raw sila magdadalawang isip na iakyat sa korte ang usapin kapag ipinatupad ang plano ng DOH.

Ipapanawagan rin daw ng grupo ang pagbaba sa puwesto ni DOH Sec. Enrique Ona kapag ipinilit nito ang plano.



Nauna nang iminungkahi ni Ona na ipatupad ang mandatory HIV test kasunod na rin ng tumataas na kaso ng HIV/AIDS case sa Pilipinas.

INFOGRAPHIC: The state of HIV/AIDS in the Philippines

Sa isang pag-aaral na isinagawa ng United Nations (UN), lumitaw na kahit bumaba ng 50 porsiyento ang HIV infections sa buong mundo mula 2001 hanggang 2011, tumataas naman ito sa siyam na bansa -- kabilang ang Pilipinas.
 
Sa pinakahuling tala sa DOH AIDS Registry, mayroong 498 bagong kaso ng HIV, na mahigit 400 percent na mas mataas kumpara sa nakalipas na limang taon.
 
Pangamba ng Network to Stop AIDS Philippines, lalong malalantad sa diskriminasyon ang mga taong magpopositibo sa HIV.

Kapang nangyari ito, hindi raw magiging epektibo ang balak na kampanya ng DOH dahil matatakot at magtatago na ang mga nagtataglay ng nakamamatay na virus.

Sa halip, ipinayo ng grupo na dapat na mas pagtuunan ng pansin ng DOH ang pagbibigay ng daan sa mga may HIV na makapagpagamot. -- FRJ, GMA News