ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tax exemption ng maliliit na negosyo, isusulong sa Senado


Matapos bansagan niyang "anti-poor" ang circular ng Bureau of Internal Revenue na buwisan ang mga maliliit na negosyante, ipinangako ng isang senador na isusulong niya ang panukalang tax exemption ng marginal income earners (MIEs).

Ayon kay Sen. Bam Aquino, kabilang sa mga MIE ang mga magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, sari-sari store owners at iba pang maliliit na negosyo.

Batay sa Senate Bill 2227 na inihain ni Sen. Bam Aquino, dapat i-xempt (gaya ng minimum wage earners) ang MIEs at self-employed na kumikita ng hindi hihigit sa P150,000 kada taon.

“Ang pagbibigay ng income tax exemption sa minimum wage earners habang sinisingil natin ang MIEs ay taliwas sa nakasaad sa Konstitusyon dahil halos wala namang pagkakaiba [sa dalawang grupo] ang pagdating sa kita,” wika ni Aquino.

Reaksyon ito ng bagitong solon kasunod ng paglalabas ng BIR ng memorandum circular -- Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 7-2014 – na nag-uutos sa MIEs na magbayad ng tax returns.

“Hindi makatutulong sa kanila ang paniningil ng buwis, kundi magiging pasanin ng sektor na nasa ilalim ng poverty line,” saad pa ng solon.

Aniya, ang pagpapataw sa MIEs ng buwis ay katulad na rin ng pagkumpiska sa maliit nilang kita na dito kinukuha ang panggastos sa araw-araw.

Ayon sa senador, kapag naisabatas ang SB 2227, ia-adjust ng BIR ang income cap ng maliliit na negosyante para matapatan ang kinikita ng minimum wage earners.

Maliban sa income tax, hindi na rin sisisngilin ang MIEs ng 12 porsiyentong value-added tax o kahit anong percentage tax na pinapataw sa ilalim ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sila’y hindi saklaw ng mga nabanggit na buwis.  — Linda Bohol /LBG, GMA News