ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

14-anyos na lalaki, patay sa pa-boksing ng barangay sa Davao


Dead on arrival ang isang 14-anyos na lalaking sumabak sa amateur boxing na inorganisa ng isang barangay sa San Isidro, Davao del Norte.  

Ayon sa ulat ni Marlon Palma Gil ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, sinabing nais ng mga magulang ng biktimang si Junrey Amar na malaman kung nagkaroon ng kapabayaan ang mga opisyal ng barangay Sawata.

Bigla na lamang umanong natumba at nahirapang huminga ang biktima nang tamaan ng suntok ng katunggali nitong menor de edad din.

Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na ito umabot ng buhay.



Labis ang panghihinayang ng pamilya Amar dahil pangarap daw talaga ng binatilyo at nag-iisang anak na lalaki na maging boksingero.

Inihayag naman ng pamunuan ng barangay na may medical personnel sa lugar sa pinagyarihan ng laban. Bukod dito, may pinirmahan din umanong waiver ang mga magulang ng bata.

Hindi pa umano nakakapagdesisyon ang magulang ng bata kung magsasampa sila ng reklamo.

Hindi naman nabanggit sa ulat kung may suot na maga protective headgears ang mga lumaban sa naturang pa-boksing ng barangay. -- FRJ, GMA News