ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Napoles, dinugo raw; mga duktor, inirekomendang manatili pa siya sa ospital


Inirekomenda ng mga duktor na manatili muna sa Ospital ng Makati ang kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles dahil nakararanas ito ng pagdurugo bunga ng isinagawang operahan sa kaniyang matris noong nakaraang buwan.  

Sa pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ng mga attending physician ni Napoles na sina  Dr. Elsie Badillo-Pascua at Dr Efren Domingo ng St. Luke's Medical Center at Dr Florentina Villanueva ng OsMak, na makabubuting manatili sa pagamutan ang negosyante para lubos na makapagpahinga at gumaling.
 
“Merong siyang severe diabetes and hypertension, meron siyang emotional and personal crisis and stress. Ito ay naging matindi nitong dalawang linggo. Ang krisis sa katawan at isip nagpapataas ng cortisol, tumataas din tuloy ang diabetes,” paliwanag ni Domingo.
 
Ang nararanasan umanong matinding "emotional and physical crisis at stress" ang nakasasama sa kondisyon ni Napoles, na bukod sa diabetic ay maryoong ding hypertension.

 
Nitong Martes, nagpalabas ng kautusan si Judge Elmo Alameda,ng  Makati City Regional Trial Court (RTC), Branch 150, na ibalik na hanggang sa Biyernes sa Fort Santo Domingo sa Sta. Rosa, Laguna si Napoles.

Ang desisyon ay inilabas ni Alameda matapos niyang ibasura ang mosyon ng kampo ni Napoles na hayaan itong manatili sa OsMak habang tinatapos ang affidavit patungkol sa pork barrel scam na ibibigay sa Office of the Ombudsman.

Dinala si Napoles sa Osmak noong Marso 31 para alisin ang bukol nito sa matris.

Sa panayam ng media nitong Miyerkules, sinabi ni Domingo na ang sakit na diabetes ni Napoles ay nakakaapekto sa sugat na likha ng operasyon.

“'Pag tumaas ang diabetes, nagkakaroon ng inflammation, pamamaga sa sugat at ang sugat na namamaga sa kanya malamang ay ang vaginal vault kung saan kami nag-alis ng matris,” paliwanag nito.

Dahil dito, inirekomenda ng mga duktor na ipagpaliban ang pagpapatupad ng utos ng korte na ibalik na sa piitan si Napoles, na nakakulong bunga ng kinakaharap na kasong serious illegal detention.

“Sa condition na ganito, it requires hospitalization and we ordered a defer discharge. Kami ay nagmungkahi na 'wag siyang paalisin sa ospital on the medical point of view. We are in full agreement that she requires hospitalization by virtue of this present evolution of her complication,” ayon kay Domingo.

Ang bagong rekomendasyon ng mga duktor ay mistulang pagbawi sa nauna nilang ipinalabas na surgical at gynecological clearance para kay Napoles -- na nagbibigay pahintulot sa pasyente na makalabas na ng pagamutan dahil maayos na ang kalagayan nito.

Pag-amin ng mga duktor, ikinagulat nila ang biglang pagsama ng kalagayan ni Napoles na posible umanong "nabinat."

“Kami ay nagulat dahil day 29 na after operation (nung mangyari itong komplikasyon), dapat unawain na merong inherent characteristics kay Mrs. Napoles. Dapat tandaan na siya ay post operative case, maaari siyang mabinat,” ani Domingo.

Hindi rin daw pangkaraniwan ang nangyari kay Napoles dahil kadalasan daw nangyayari ang pagdurugo sa sitwasyon nito sa ika-17 hanggang pang-20 araw matapos maoperahan.

“Rare as it is nangyayari talaga ito because of inherent existing conditions unique just to her,” dagdag ni Domingo.

Bukod sa gamot na ibinibigay kay Napoles na idinadaan sa intravenous therapy (IV), pinayuhan din ang negosyante na huwag magkikilos.
 
“Ayaw namin siyang pabayaang gumalaw. Ni-request namin na magkaroon ng commode, ang pagdumi at pag-ihi ay sa tabi na rin ng bed. So far kami ay masaya at nauunawaan niya kami at siya ay susunod sa aming request na complete bed rest,” anang duktor.

Sinabihan din umano ng mga duktor si Napoles na huwag mag-iisip ng mga alalahanin.
 
“Nakikiusap kami na kung pwede ay maging mahinahon, maging mapagpahinga at maniwalang gagaling at magiging maayos ang takbo ng sitwasyon,” ani Domingo.

Nang tanungin kung hanggang kailangan dapat manatili si Napoles sa ospital, sinabi ni Domingo na hindi nila alam.

“I don't know how soon she will recover and how long she will have to stay in a hospital,” paliwanag nito.

Ayon kay Villanueva, susubaybayan nila bawat araw ang kalagayan ni Napoles.

“Doctors will recommend based on what is happening kasi may pagdudugo, the recommendation now of the medical team is to defer discharge first and give antibiotics and hopefully the bleeding will stop and there will be no more complication afterward. Kaya day to day tayo muna,” ayon sa duktor.

Sakaling hindi bumuti ang kalagayan ni Napoles, dadalhin nila ito sa operating room para masuri ang kaniyang vaginal vault para malaman kung ano ang dahilan ng pagdurugo.

Ayon sa abogado ni Napoles, nitong Miyerkules ng hapon ay dinala na nila sa Makati-RTC Branch 150 ang mosyon na bawiin at ipagpaliban ang pagdala kay Napoles sa Laguna.

Sinabi naman ni Atty. Diosfa Valencia, branch clerk of court , nakatakdang dinggin ang mosyon sa Biyernes sa ganap na 1:30 p.m.
 
Gayunman, duda ang kampo ng mga whistleblower sa nangyari kay Napoles at hinihinalang taktika lamang ito ng negosyante para hindi maibalik sa piitan.

"Gusto niya na mas komportable ang sitwasyon niya [Napoles] kumpara sa [Fort] Santo Domingo.  So parang gusto niyang matrato siya na VIP rin," ayon kay  Atty. Levito Baligod. — FRJ, GMA News