Jinggoy at JV Ejercito, kahit sa kanta ‘di magkasundo
Hindi magkasundo kahit sa kanta ang magkapatid na sina Senator Jinggoy Estrada at Senator JV Ejercito, kapwa anak ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada. Ang iringan ng dalawa ay nag-ugat sa sitwasyon ng kanilang pamilya -- si Jinggoy ay anak ni dating First Lady Luisa "Loi" Estrada, at si Ejercito naman ay anak ni dating pangulong Erap kay Guia Gomez, ang kasalukuyang mayor ng San Juan City. “Sorry, 'di ko na inabot ang panahon na ‘yun. Kaya siguro 'di kami magkasundo pati sa kanta... wala kaming common na makakanta,” ayon kay Ejercito sa kaniyang text message sa media nitong Biyernes. Sagot ito ni Ejercito sa reaksyon ni Jinggoy na hango sa isang linya ng kanta ni Matt Monro na nagsasabing "walk away please go before you throw your life away," na ang ibig niyang sabihin ay "lumayas ka sa harapan ko." Matatandaang naunang nagpahatid ng mensahe si Ejercito kay Estrada sa Lingguhang Kapihan sa Senado noong Huwebes sa pagsasabing "Just call my name…and I’ll be there," mula sa awitin ni Michael Jackson. May kinalaman ang mensahe ni Ejercito sa kinakaharap ng nakatatandang kapatid na reklamong pandarambong kaugnay sa pork barrel scam. Ikinairita ito ni Jinggoy na hindi naitago ang "galit" kay Ejercito. Hindi naman nagbigay ng komento si Ejercito nang tanungin ng media kung dadalawin niya si Jinggoy kung sakaling makukulong ito dahil sa kasong plunder. — Linda Bohol /LBG/FRJ, GMA News