Kailan nabuo ang diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at China?
Maasim ang relasyon ngayon ng Pilipinas at China dahil sa usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea o West China Sea. Pero alam niyo ba kung kailan nagsimula ang diplomatikong ugnayan ng dalawang bansa?
Hunyo noong 1975 nang malagdaan sa Peking (Beijing na ngayon) ang Joint Communique ng Pilipinas at China. Nangyari ito sa ilalim ng pamamahala ng noo'y nakaupong Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Prime Minister ng China na si Chou En-lai.
Basahin: PNoy accepts credentials of new Chinese envoy, hopes to ‘move forward’ with China
Layunin nito na palaguin at palakasin ang relasyon ng dalawang bansa. Kasama sa kasunduan ang hindi paggamit ng dahas at pagbabanta, at sa halip ay reresolbahin sa mapayapang paraan ang anumang hindi pagkakaunawaan.
Nakasaad din na kikilalanin ng Pilipinas ang posisyon na "one" China, na nagsasaad na bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan. Samantala, dapat namang kilalanin ng China ang kalayaan at sobereniya ng Pilipinas.
Nagkasundo rin ang dalawang pamahalaan na rerespetuhin ng bawat isa ang kani-kanilang teritoryo. -- FRJ, GMA News