Isa pang sanggol sa Cebu, nilagyan din daw ng tape ang pacifier sa bibig
Isang ina ang nag-upload umano ng litrato sa social networking site at nagpakita ng video ng kaniyang anak na may pacifier sa bibig na nilagyan ng tape para patunayan na sadyang ginagawa ito ng isang ospital sa Cebu para mapatahan ang mga sanggol.
Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video ng sanggol na may pacifier sa bibig na nilagyan ng tape habang nasa Maternity House umano noong Pebrero.
May ipinakita ring larawan ng sanggol na namumula ang pisngi matapos na alisin daw ang tape.
Ang 22-anyos na ina ng sanggol na babae ang nag-upload ng ilang larawan ng bata sa social networking site.
Pero tumanggi ang babae na humarap sa camera at mapangalanan sa media. Nais lang daw niyang ipakita na gumagamit talaga ng pacifier at tape ang ospital para mapatahan ang sanggol.
Iniimbestigahan na ang naturang ospital dahil din sa naunang reklamo ng isang ina sa paglalagay ng tape sa bibig ng kaniyang sanggol.
Sa nabanggit na ulat, sinabi ng ina ng ikalawang sanggol na wala itong planong magsampa ng reklamo at gusto lang nila na mabigyan linaw ang gawain sa ospital.
Kaugnay nito, inimbitahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang ina ng pangalawang bata na magbigay ng kaniyang salaysay kaugnay sa kanilang karanasan sa ospital.
Makakatulong daw ang testimonya nito sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa usapin ng naunang insidente sa ospital.
Ayon naman sa Department of Health, hindi na kailangan pa ang hiwalay na imbestigasyon sa pangalawang kaso.
Mariing pinanindigan ng ahensiya na batay sa mother-baby friendly initiative ng mga ospital, ipinagbabawal ang pagpagamit ng mga pacifier, maliban lang sa mga premature babies.
Sa panayam naman sa telepono, tumangging magbigay ng pahayag si Atty. Cornelio Mercado, abogado ng Maternity House, dahil hindi pa raw niya nakikita ang litrato ng pangalawang baby.
Pero ikinalulungkot niya na negatibo na ang pagtingin ng publiko sa nasabing ospital.
Dati nang itinanggi ng mga nurse on duty na nilagyan ng tape ang bibig ng sanggol. -- FRJ, GMA News