ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bata, namatay dahil sa komplikasyon dulot ng sobrang dami ng bulate sa katawan


Isang limang-taong-gulang na lalaki sa Pototan, Iloilo ang namatay dahil sa intestinal parasitism o pagdami ng bulate sa tiyan na kumalat daw sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.

Sa ulat ni Nenita Hobilla ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes, sinabing nitong Mayo 4 dinala ang nasawing si Jose Louvie Pareja Jr., sa Western Visayas Medical Center mula sa Iloilo Provincial Hospital.

Idinadaing ng bata ang labis na pananakit ng kaniyang tiyan. Sa pagsusuri ng mga duktor, lumitaw na may intestinal parasitism ang bata.



Labis na dumami raw ang maliliit na bulate sa tiyan nito at kumalat sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan na nagdulot ng mga komplikasyon.

Nitong nakaraang Huwebes, hindi na naisalba ang malalang kondisyon ng bata at tuluyan siyang binawian ng buhay.

"Nagrequest na kami na ipa-ultrasound na ang bata dahil hindi naman gumagaling. Doon na nakita ang maraming bulate," ayon sa tiyahin ng bata.

Sinabi naman sa municipal health office, na nagkaroon ng kumplikasyon ang pagdami ng bulate sa katawan ng bata.

Naharangan na umano ng mga bulate o parasites ang daanan ng hangin sa katawan ng biktima.  Pati ang daloy ng dugo ng pasyente ay naapektuhan din umano ng mga parasite.

Naagapan daw sana ito kung kaagad naipasuri ang bata sa mga espesyalista.

Masusi naman ang pagmo-monitor ng municipal health office ng Pototan sa mga kaso ng intestinal parasitism.
 
Nakukuha ang intestinal parasitism sa maruming paligid. Kaya naman payo ng mga awtoridad, kailangan ang regular na paglilinis ng kapaligiran at pangangatawan para maiwasan ito.

Pinapayuhan din ang publiko na dalhin ang mga batang edad isa hanggang anim sa mga health center para mapurgahan at makaiwas sila sa sakit. -- FRJ, GMA News

Tags: paralysis, worms