Suspek sa kasong estafa, sinugod ng kaniyang mga biktima sa presinto
Nadakip ng mga awtoridad sa Cagayan de Oro City ang isang lalaki na nahaharap sa kasong estafa. Modus umano ng suspek na mamili ng mga produkto at ipinambabayad ang mga tsekeng wala namang pondo sa bangko.
Sa ulat ni Kaye Mercado ng GMA-Northern Mindanao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing nagkaroon ng tensiyon sa pagdakip kay Michael Gabiya dahil inakala ng mga awtoridad na may armas ang suspek sa sasakyan.
Una rito, pinuntahan ng mga pulis ang isang tindahan kung saan sinasabing nakita ang suspek. Pero natunugan umano ng suspek ang pagdating ng mga pulis at umalis ito sa lugar sakay ng kaniyang kotse.
Kaagad naman siyang tinugis ng mga awtoridad at nakorner sa Baloi highway sa lungsod.
Napag-alaman na may dalawang warrant of arrest laban kay Gabiya dahil sa kasong estafa na kinakaharap nito na umaabot umano sa P10 milyon ang halaga.
Ilang produkto na umano'y binili ng suspek gaya ng mga gulong ng sasakyan at mga langis ang nabawi ng mga awtoridad sa follow-up operation.
Sa presinto, ilang mga nabiktima umano ni Gabiya ang galit na kinumpronta ang suspek. Isa sa mga ito, hindi nakapagpigil at pinagbuhatan ng kamay ang suspek.
Nakumpiska naman sa suspek ang ilang check book at mga tseke na pinaniniwalaang ginagamit nito sa kaniyang modus. Ang ilan sa mga nakuhang tseke, may mga nakasulat na halagang hindi bababa sa P45,000.
Dahil sa dumadami ang mga nag-aakusa sa suspek, posibleng madagdagan pa umano ang kakaharaping kaso ni Gabiya.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek. -- FRJ, GMA News