ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Fil-Am gay mayor ng Sacramento target ang Kongreso


Tatangkain ni Christopher Cabaldon, alkalde ng West Sacramento na maging kauna-unahang Filipino-American gay na mauupo sa Kongreso ng California. Bukod pa rito, sakaling manalo sa kanyang kandidatura sa State Assembly sa California, pinaniniwalaan na si Cabaldon ang unang gay state legislator na “nagladlad" at hindi na ikinahiya ang kanyang pagiging miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, and Transgender) community. Marso 2006 nang surpresahin ni Cabaldon ang mga mamamayan ng West Sacramento nang ihayag niya ang kanyang pagiging bakla sa harap ng kamera upang maging bahagi ng dokumentaryo tungkol sa mga kilalang tao na nagladlad. Itinaon niya ang pag-amin sa tunay na katauhan habang kumakandidato para sa kanyang reelection bid sa pagka-alkalde. Aniya, ang State Address ang pinakamagandang pagkakataon upang ipaalam niya sa publiko ang kanyang pagkatao. Noong una, sinabi ni Cabaldon, 41 anyos, na pinili niyang itago ang kanyang pagiging bading dahil ayaw niyang makasagabal ang kanyang sexual preference sa kanyang mga plano habang nasa posisyon. Subalit sa huli ay napag-isip-isip niya na dumating na ang tamang panahon para isiwalat niya sa kanyang mga constituents ang katotohanan. Maluwag namang tinanggap ng kanyang mga kababayan ang ginawa niyang paglaladlad. Katunayan, marami sa kanyang mga tagasuporta ang nagpahayag na hindi sagabal sa kanyang pagtupad ng tungkulin bilang alkalde ang kanyang pagiging bading. At ang mga nagawa niya sa mga nakalipas na panahon ay patunay ng kanyang husay sa pamumuno. Kamakailan lang, ibinato ni State Superintendent of Public Instruction Jack O'Connell ang kanyang suporta kay Cabaldon para sa kandidatura nito sa Assembly. Si O’Connell ang ikalawang opisyal na humahawak ng mataas na posisyon na nagpahayag ng suporta sa isang pulitikong nagladlad. Una nang nagpahayag ng suporta kay Cabaldon si State Controller John Chiang. Kapag nanalo, papalitan ni Cabaldon si Assemblywoman Lois Wolk (D-Davis), na matatapos na ang termino sa 2008. Ayon kay O’Connell, matagal na niyang katrabaho si Cabaldon at bilib siya sa husay nito sa pagtupad ng tungkulin lalo na sa pagpapahusay ng sistema ng edukasyon ng kabataan. "No other candidate brings the commitment and the experience that is needed for our students and classrooms, so that is why I am supporting his candidacy for the Assembly," ayon kay O’Connell. Isinilang noong 1965, lumaki si Cabaldon sa Los Angeles. Nakuha niya ang titulo na bachelor of science degree in environmental economics sa UC Berkeley, kung saan siya vice president student body. Taong 1987 nang lumipat ang kanyang pamilya sa Capital region at dito naman niya kinuha ang master degree in public policy sa CSU Sacramento. Kinilala si Cabaldon sa Yolo at Solano counties bilang mahusay na opisyal sa pagbibigay atensyon sa isyu ng edukasyon, kapaligiran, pagkakaloob ng trabaho, pagpapahusay sa sistema ng transportasyon, isyu ng civil rights at maging sa teknolohiya. Unang naluklok sa puwesto si Cabaldon sa West Sacramento City Council noong 1996 special election. Taong 1998, inihalal siya ng City Council bilang alkalde. Pagkaraan nito ay muli siyang tumakbo at nanalo sa pagka-alkalde sa paraan ng halalan. Dahil sa panalo, naitala si Cabaldon bilang unang alkalde na nanalo ng dalawang ulit sa nasabing puwesto. Ang pagdala ni Cabaldon ng professional baseball sa West Sacramento ang sinasabing dahilan ng pag-asenso ng kanilang lugar at pag-angat ng kabuhayan ng mga tao rito. Siya rin ang Vice Chancellor ng California Community Colleges, ang itinuturing na largest system of higher education sa US. Tumaas din ang kalidad ng edukasyon sa kanilang lugar dahil sa mga ipinatupad niyang reporma gaya ng pagkakaloob ng mga financial support sa mga mag-aaral; pagbuwag sa mga diploma mills at abusadong mga eskuwelahan; pagkuha ng bagong science at math teachers; pagtaas sa pondo ng college facilities at pagsasagawa ng state investigation sa anomalya ng university fertility clinic. Ngunit bago nito, nagsimula ang kanyang karera mula sa pagiging vice president bago makuha ang posisyon bilang legislative affairs director ng University of California Student Association. Naging presidente rin siya Asian Pacific Americans in Higher Education. Naupo rin siya bilang board member at chairman ng Yolo County Transportation District. Dito ay isinulong niya ang pag-apruba sa Yolobus transit service sa Sacramento Airport at expansion ng bus service sa mga nakatatanda at mga residente. Bilang miyembro naman ng Capitol Corridor Rail Service Board, iginiit din niya na palawakin ang serbisyo ng tren sa I-80 corridor. Taong 1999 nang mahirang si Cabaldon na katawanin ang four Yolo County cities sa board ng Sacramento Area Council of Governments, ang metropolitan planning organization. Bilang board member din ng Yolo-Solano Air Quality Management District, tumulong siya sa paglikha ng programa para mabawasan ang polusyon sa lugar tulod ng mga heavy duty truck engines, at ipinaglaban niya na mapanatili ang urban forest sa lungsod. Nang maupong alkalde, binuo niya ang Blue-Ribbon Commission on School Excellence para palakasin ang public school system at matiyak na ang lahat ng bata ay magkakaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Kumilos din si Cabaldon upang maitatag ang Capital Unity Council para mabura ang hate violence. Dati rin siyang treasurer ng National Filipino American Youth Association, at pinakabatang napagkalooban ng pagkilala para sa kanyang historical contribution bilang valley chapters ng Filipino American National Historical Society. - Fidel Jimenez, GMANews.TV