ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 magkakapatid na menor de edad, ginahasa raw ng sariling pinsan


Tatlong menor de edad na magkakapatid na babae ang ginahasa umano ng sarili nilang pinsan sa Pangasinan. Ang isa  sa mga biktima, napilitang tumigil sa pag-aaral dahil nabuntis.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Martes, sinabing maluha-luhang humarap sa GMA News ang magkakapatid para ikuwento ang bangungot na kanilang pinagdaanan sa kamay ng kanilang pinsan.

Ayon sa 16-anyos na si Ana, hindi niya tunay na pangalan at panganay sa magkakapatid, walong-taong-gulang pa lang siya nang simulang hipuan ng kanyang pinsan.



Ang suspek daw ang pinagkatiwalaan ng kanilang mga magulang na magbabantay sa kanilang magkakapatid.

Pagsapit niya sa edad na 10, naganap daw ang unang panggagahasa sa kanya. Nanlaban daw si Ana pero tinutukan siya ng kutsilyo ng suspek.

Ang hindi alam ni Ana, maging ang kanyang mga nakababatang kapatid na edad 14 at 13, ay inaabuso rin ng kaniyang pinsan sa loob mismo ng kanilang bahay.
 
Ang 14-anyos na si Angel, hindi rin tunay na pangalan, napilitang tumigil sa pag-aaral dahil walong buwang buntis.

Sinabi naman sa 13-anyos na biktima, madalas daw lasing ang suspek kapag inaabuso siya.

Ayon kay Atty. Persida Acosta, pinuno ng Public Attoney's Office, at tumutulong sa mga biktima, dapat makulong ng habambuhay ang suspek dahil sa ginawang pang-aabuso sa magkakapatid.

Pilit naman na nagpapakatatag ang ama ng magkakapatid na nagtatrabaho sa Rizal at hindi raw niya akalain na magagawa ng pamangkin niyang suspek ang kahalayan sa kaniyang mga anak.

Sa kabila ng mapait na karanasan, nais ng ama ng mga bata na ipaubaya ang lahat sa hustisya hanggang sa makamit ng kaniyang mga anak ang katarungan.

Sa pagsusuri ng medical experts ng PAO, lumitaw ang napakaraming lacerations ng mga menor de edad. Maaaring indikasyon daw ito ng marahas at paulit-ulit sa loob ng mahabang panahon ang nangyaring pang-aabuso sa mga biktima.

Nasa pangangalaga ngayon ng PAO ang magkakapatid para mabigyan ng legal assistance at counselling.

Nasampahan na ng kasong panggagahasa ang suspek. -- FRJ, GMA News