Umano'y anti-VP Binay campaign, iringan sa hanay ng mayorya -- Zamora
Inihayag ni House Minority Leader Ronaldo Zamora na hindi siya apektado sa mga pasaring ni Makati Rep. Abigail Binay, tungkol sa isa umanong grupo na nagpopondo para siraan ang kaniyang pamilya at amang si Bise Presidente Jejomar Binay.
"No, I don't feel alluded to. I'm not in mining. I'm in politics. My two brothers are in mining, but in different companies," paliwanag Zamora sa isang press briefing nitong Miyerkules.
Ang kapatid ni Zamora na si Manuel Jr., ay chairman ng Nickel Asia Corp., ang pinakamalaking kumpanya sa bansa sa larangan ng pagmimina ng nikel.
Itinanghal ng Forbes magazine si Manuel Jr. bilang pang-34 na pinakamayamang Pilipino noong 2013 dahil sa kabuoang kita ng kanyang kumpanya na umabot sa $240 milyon.
Ang isa pang kapatid ni Zamora na si Salvador ay presidente naman ng Hinatuan Mining Corp. (HMC), isang kumpanya na nagmimina rin ng nikel.
Sa isang pahayag na inilabas ni Rep Binay noong nakaraang linggo, sinabi nito na isang grupo ang nasa likod ng “smear campaign” laban sa kanyang pamilya. Bagaman hindi ito nagbigay ng pangalan, sinabi ng kongresista na ang grupong ay may opisina sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Sinabi pa ng nakababatang Binay na ang grupo ay pinopondohan ng magkakapatid na nasa pulitika at negosyo ng pagmimina.
Ang pahayag ng kongresista ay reaksiyon nito sa lumabas na investigative report na tinawag niyang “white paper” mula sa hindi pa matukoy na source.
Sa naturang report, sinabing ginamit umano ni Rep. Binay ang kaniyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund mula 2007 hanggang 2009 para pondohan ang pangangampanya ng amang si VP Binay, na tumakbo at nanalong bise presidente noong 2010 elections.
Idinadawit din sa report ang kapatid ni Rep. Binay na si Nancy na nahalal namang senador noong 2013 elections.
Ayon kay Rep. Binay, pulitika ang motibo ng grupong naninira sa kanilang pamilya.
Si VP Binay ang inaasahang magiging pambato ng United Nationalist Alliance (UNA) sa darating na presidential elections sa 2016.
Iginiit ni Zamora, na walang pakialam ang grupo ng minorya sa Kamara sa anumang hindi pagkakasundo ng mga miyembro ng mayorya sa kung sino ang susuportahan nila sa pagkapangulo sa darating na halalan.
“This is a fight among members in the majority whether one is for the Vice President or not, [and] whether the other group is [for] another candidate,” ani Zamora.
Ang nakababatang Binay ay miyembro ng mayorya sa Kamara. Ito ay kabila ng pagiging miyembro niya ng UNA, ang partido pulitikal ng oposisyon.
Sa isang privilege speech nitong Martes, binatikos ni Caloocan Rep. Edgar Erice, miyembro ng mayorya, si VP Binay at hinamong magbitiw sa Gabinete ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Erice, nagpapanggap lamang si VP Binay na kaalyado ng administrasyon pero bumabatikos naman sa gobyerno ni Aquino.
Si Binay ang pinuno ng Housing and Urban Development Council (HUDCC) at Presidential adviser on overseas Filipino concern.
Si Erice ay miyembro ng Liberal Party (LP), ang partido pulitikal ng administrasyon.
“This is of no concern to us in the minority. We’ve been in the minority for so long. Unless we’re able to get our own candidate who will win the presidency, then it is really their business,” ayon kay Zamora. -- Elizabeth Marcelo/LGB/FRJ, GMA News