Ang tatlong paring martir ng Bicol
Kilala niyo ba kung sino ang tatlong pari na dinakip ng mga mananakop na Kastila noong Setyembre 1896 sa Bicol at pagkaraan ng ilang buwan ay binaril sa Bagumbayan o Luneta, kasama ng iba pang Bicolano na tinawag na "Los Quince Martires," o 15 martir ng Bicol?
Tulad ng mga martir at bayaning pari na sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora, na kilala sa tawag na "Gomburza," pinaslang din sa Bagumbayan ng mga Kastila ang mga pari na mula sa Bicol na sina Severino Diaz , Inocencio Herrera at Gabriel Prieto.
Inaresto sina Diaz, Herrera at Prieto, kasama ang 12 nilang kababayang Bicolano noong Setyembre 1896 kasunod ng pagkakatuklas sa kilusan ng mga Katipunero na nagnanais na malaya ang Pilipinas sa pananakop ng mga Kastila.
Si Diaz ang kauna-unahang pari na namuno sa Cathedral of Nueva Caceres (Naga), habang choir master naman sa nabanggit na simbahan si Diaz. Sa isang simbahan naman sa Malinao, Albay nakatalaga si Prieto.
Matapos litisin ng mga Kastila sa alegasyon ng pagsasabwatan laban sa pamahalaang España, hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad noong Enero 1897 ang tatlong pari, kasama ang kanilang mga kababayan na sina Manuel Abella, ang anak nitong si Domingo, pati na sina Camilo Jacob, Florencio Lerma, Macario Valentin, Cornelio Mercado, Mariano Melgarejo at si Tomas Prieto, kapatid ni Fr. Prieto.
Ang apat pa nilang kababayan na dinakip ay hinatulang makulong at may ipinatapon sa ibang bansa.
Noong Nobyembre 1926, isang monumento ang itinayo sa Naga city bilang pagkilala sa kabayanihan ng 15 Bicolanong martir. -- FRJ, GMA News