Sanggol na nadaganan ng kaniyang kuya sa Ilocos Norte, namatay
Isang dalawang-buwang-gulang na sanggol ang nasawi matapos na madaganan umano ng nakatatanda nitong kapatid sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente habang natutulog ang magkapatid sa kanilang bahay sa Laoag city.
Ayon sa ina ng mga bata, nagulat na lang siya nang makitang nakadagan sa sanggol ang isa pa niyang anak na apat na taong gulang. Kaagad na itinakbo sa ospital ang sanggol pero pumanaw din matapos ng ilang oras.
Sa hiwalay na ulat ng GMA news "24 Oras," sinabi ng isang pediatrician at child health specialist, na posibleng na-suffocate ang sanggol nang madaganan na naging dahilan ng pagkamatay nito.
"Asphyxsia secondary to suffocation prone kasi mga new born at babies sa ganito," ayon kay Dr. Anthony Calibo.
Payo ni Calibo, hindi dapat itabi ang mga sanggol sa mga nakatatanda at mga bata na karaniwang malikot at hindi conscious sa pagtulog.
Pero kung hindi maiiwasan, sinabi nito na maaaring maglagay ng harang sa pagitan ng sanggol at mas nakatatanda. -- FRJ, GMA News