ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pusa at 2 nitong kuting, namatay matapos buhusan ng kumukulong tubig


Nalapnos ang mukha at katawan ng isang pusa at dalawa niyang anak matapos daw buhusan ng kumukulong tubig ng kapitbahay ng kanilang amo sa Naga City.

Ayon kay Josephine Pelagio, may-ari ng mga pusa, hindi niya alam kung bakit nagawang pagmalupitan ng kanyang kapitbahay sa barangay Santa Cruz.

Nakakulong daw ang kanyang mga pusa kaya hindi naman daw nakakaperwisyo ang mga ito sa ibang tao.

Agad na nasawi ang dalawang kuting dahil sa tinamong pinsala sa katawan, habang ilang araw pa munang nagdusa ang inang pusa bago binawian ng buhay.



Dagdag pa ni Pelagio, hindi ito ang unang pagkakatong binuhusan raw ng mainit na tubig ng kanyang kapitbahay ang kanyang mga pusa.

Kaya naman magrereklamo na raw siya sa Philippine Animal Welfare Society o PAWS.

Gayunman, wa pang pahayag na inilalabas ang PAWS tungkol sa insidente.

Sinusubukan naman ng GMA News na makuha ang panig ng inirereklamong kapitbahay.

Ayon sa isang veterinarian, maaring patawan ng parusang pagkakakulong ng hanggang dalawang taon at multang aabot sa P100,000 ang sinumang mapatutunayang nagmamalupit sa mga alagang hayop sa Animal Welfare Act. -- FRJ, GMA News