Mga na-ospital dahil sa pagkain daw ng itlog na maalat, umabot na sa 40 katao
Aabot na sa 40 katao mula sa mga bayan ng Santa Maria at Tayug sa lalawigan ng Pangasinan ang dinala sa ospital dahil sa food poisoning makaraang kumain umano ng itlog na maalat. Dahil sa insidente, ipinagbawal muna ang pagtitinda ng naturang itlog sa mga pamilihan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing nagsimulang dalhin sa Eastern Pangasinan District Hospital (EPDH) ang mga pasyente mula noong Hunyo 8.
Apat sa mga pasyente ay magkakamag-anak na nagsabing sumama ang kanilang pakiramdam matapos kumain ng itlog na maalat. Ilan sa mga pasyente ang kinailangang ma-confined sa ospital ng tatlong araw.
"Itlog (na) maalat na hinaluan ng kamatis," ayon kay Ellysa Espidillon, isa sa mga pasyenteng nagkasakit dahil sa pagkain umano ng itlog na maalat.
"We noticed lahat ng pasyente, ang sinasabi nakakain ng itlog na maalat. May pattern. Isang family saying na ito ang kinain namin, isang family, siya lang ang kumain, siya yung na-admit," ayon kay Dr. Alfredo Sy, hepe ng EPDH.
Isinailalim sa pagsusuri ang nakuhang itlog na maalat maging ang inuming tubig sa lugar kung saan nagmula ang mga pasyente.
Habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, ipinagbawal na muna ng lokal na pamahalaan ng Sta. Maria at Tayug ang pagbebenta ng itlog na maalat sa mga pamilihan.
"Kung may amoy na [ang itlog], huwag na nilang kainin o kaya 'pag binuksan nila yung white niya ay may batik-batik na, throw it [away]," payo ni Sy. —FRJ, GMA News