ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tatagay ka ba? Pangalan nina Rizal at Bonifacio gustong gawing brand ng alak


"Rizal" pa! O kaya naman, "Bonifacio" pa nga!" Posibleng ganito ang marinig natin sa mga inuman kapag natuloy ang plano na payagang gawing brand ng alak ang pangalan ng mga bayani ng bansa tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio.

Sa isang ulat ni Cedric Castillo sa segment na "Paandar" ng GMA News TV's "SONA" nitong Miyerkules, tinalakay nito ang plano ng isang kumpanya na gumagawa ng alak na makakuha ng pahintulot sa IPO o Intellectual Property Office na payagan silang magamit ang pangalan nina Rizal at Bonifacio bilang brand names ng kanilang nakalalasing na produkto.

Sa panayam sa ilang natanong na sibilyan, may mga nagpahayag ng pagtutol na payagang gawing brand ng alak ang pangalan ng mga bayani dahil tila kawalan umano ito ng paggalang sa kanila.

Mayroon din namang walang nakikitang masama sa plano ng kumpanya ng alak.

Pero ang isang opisyal ng National Commission for Culture and the Arts o NCCA, nagpahayag ng pagtutol na idikit sa nakalalasing na inumin ang pangalan ng mga bayani.

"Napakahalaga ng mga taong ito sa ating kasaysayan, sa ating identity bilang mga Pilipino. Ngayon kung papasukan natin ng image na salungat sa pinanindigan ng mga ito para sa isang bagay na napaka-commercial at nire-relate pa natin sa bisyo, nahahaluan yung message," paliwanag ni Atty Trixie Angeles, legal counsel ng NCCA.

Pangamba pa ni Angeles, baka maiba ang pananaw ng mga kabataan, lalo na ang mga hindi pa nakakapag-aral, tungkol sa katauhan ng mga bayani kung makikita nila ang pangalan nito sa produkto na nagiging bisyo.

"Yung imahe nila, yung mga association kay Rizal, kay Bonifacio, ang images ng mga monumento nila, intangibles 'yan at prinoprotektahan 'yan ng Pilipinas...paano na yung mga tao na hindi pa nakakapasok, yung mga batang hindi pumapasok? 'Pag pumasok sila sa school, imbes na ma-relate nila ang mukha ni Rizal sa isang bayani, maire-relate na nila ito sa isang bote ng alcohol," paliwanag niya.

Maging ang opisyal ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP, hindi rin pabor na gawing brand name ng alak ang mga bayani.

"Ngayon pa lang, ako ide-discourage ko na the use of pictures of our heroes including our historical sites. Maybe if it is other products, hindi alak, maaaring kaagad sabihin ko pwede," ayon kay Ludovico Badoy, executive director ng NHCP.

Pero aminado rin ang NCCA na walang guidelines na nagbabawal sa paggamit ng pangalan ng mga bayani bilang brand names.

Ngunit maliban sa pangalan nina Rizal at Bonifacio, balak din daw gamitin brand name ng alak ang pinagsamang pangalan ng mga martir na pari na, "Gomburza," ang makasaysayang lugar na "Intramuros," at pati na "Tacloban."

Sa isang pahayag ng IPO, nilinaw nito na hindi pa umano kumpleto ang registration ng mga tatak na "Rizal" at "Bonifacio." Samantala, pinag-aaralan pa ang paggamit ng "Gomburza" at "Tacloban."

Dagdag pa sa pahayag ng IPO, aprubado na ang "Intramuros" pero isa umano itong "arbitrary mark" at pinapayagan ang paggamit nito sa international standards.

Tiniyak din umano ng IPO na masusing pag-aaralan at ikokonsidera ang lahat ng pananaw tungkol sa usapin.

Sinubukan naman ng GMA News na makuha ang pahayag ang kumpanyang nagpapa-approve ng brand names ng mga inumin pero hindi pa sila nagbibigay ng kanilang opisyal na pahayag. -- FRJimenez, GMA News

Tags: talakayan