Mas maraming checkpoints ng PNP sa Metro Manila, asahan vs kriminalidad
Asahan na ang mas maraming police checkpoints sa Metro Manila sa mga susunod na linggo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas II.
Sa isinagawang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Roxas na ang pagpapaigting ng police checkpoints ay bahagi ng kampanya kontra sa kriminalidad.
"These checkpoints will be backed up by aggressive campaign under Oplan (Operational Plan) Katok and Oplan Lambat," anang kalihim.
Ang Oplan Katok ay kampanya ng PNP laban sa loose firearms, habang ang Oplan Lambat ay nakatuon sa mga hindi nakarehistrong motorsiklo.
"We hope to replicate this in all the regions, especially if this proves to be effective here in Metro Manila," ayon pa kay Roxas.
Ginawa ni Roxas ang pahayag kasunod ng mga naganap na high-profile killings sa bansa. Kabilang na dito ang pagpatay kina Enzo Pastor, race car driver; Richard King, may-ari ng mga hotel at resort; at Ernesto Balolong Jr., alkalde ng Urbiztondo, Pangasinan.
Si Pastor ay binaril at napatay sa Quezon City, habang sa Davao City naman pinaslang si King. Sa kaniyang bayan naman sa Pangasinan pinagbabaril si Balolong.
Inamin ni Roxas na tinalakay sa kaniya kamakailan ni Pangulong Benigno Aquino III ang usapin ng kriminalidad sa bansa.
"We recognize the need to ensure the safety of the public and peace and order in the communities, as well as for the criminals to pay for the crimes they committed," pahayag ni Roxas.
"In response, we made some initiatives for the National Capital Region Police Office (NCRPO) that will be replicated in other parts of the country," dagdag niya. -- FRJ, GMA News