Grupo ng magsasaka sa Ilocos Sur, tinamaan ng kidlat; isa patay, 2 kritikal
Patay ang isang magsasaka, at malubha naman ang kalagayan ng dalawang iba pa matapos silang tamaan ng kidlat sa bukid sa Sta Cruz, Ilocos Sur nitong Miyerkules.
Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, kinilala ang nasawi na si Bonifacio Fabro, 23-anyos.
Maliban sa dalawa pang magsasaka na kritikal ang kalagayan at inoobserbahan sa ospital, walong iba pang magsasaka ang nagtamo ng galos sa katawan dahil sa tama ng kidlat.
Ayon sa nakaligtas na magsasaka, abala sila sa pagtatanim ng palay nang biglang bumuhos ang malakas na ulan, na may kasamang pagkulog at pagkidlat.
Nasundan umano ito ng malakas na pagsabog na dahilan para tumilapon ang mga magsasaka, na tama na pala ng kidlat.
Hinihinala ng mga kaanak ni Fabro na napuruhan ng kidlat ang nasawing biktima dahil mayroon itong cellphone at suot na hikaw.
Bukod sa nasirang kasuotan ni Fabro na dulot ng tama ng kidlat, halos matanggal na rin ang taenga nito. -- FRJ, GMA News