Pagdakip sa ilang kaalyado dahil sa ‘pork’ scam, malalampasan ng oposisyon, ayon kay Binay
Nananatili raw matatag ang oposisyon sa kabila ng pagdakip at pagkulong sa ilan nilang miyembro na iniuugnay sa umano'y multibillion-peso pork barrel scam, ayon kay Vice President Jejomar Binay.
Ang pahayag ay ginawa ni Binay nitong Martes matapos na kusang-loob na sumuko sa pulisya at makulong nitong Lunes si Senador Jinggoy Estrada, isa rin sa mga lider ng oposisyon.
"Nand’yan pa rin ang oposisyon. Lagi naming sinasabi, we are the new type of opposition. We will complement or criticize the administration when the necessity arises," ayon sa pangalawang pangulo.
Si Estrada ay nahaharap sa kasong plunder at graft dahil sa alegasyon na pinagkakitaan nito ang kaniyang priority development assistance fund (PDAF), na kilala rin sa tawag na PDAF.
Sina Binay at Estrada ay mga lider ng United Nationalist Alliance (UNA).
Kaugnay din ng 'pork barrel' scam, inaabangan din ang posibleng pag-aresto kay Sen. Juan Ponce Enrile, na isa rin sa mga lider ng UNA.
Iginiit naman ni Binay ang karapatan ng mga inaakusahang senador na "presumed innocent,' hangga't hindi napapatunayan sa korte ang mga ibinibintang sa kanila.
"Sabihin na lang natin na it’s a first of its kind. First time na maihabla ang members ng Congress. Pero may trial pa, at huwag muna nating sabihing guilty sila," paliwanag ni Binay, na nagdeklarang tatakbong pangulo ng bansa sa 2016 national elections.
Una rito, inakusahan ng oposisyon na pinag-iinitan lamang ng pamahalaan ang mga mambabatas na hindi kaalyado ng administrasyon.
Pero itinanggi ito ni presidential spokesman Edwin Lacierda at sinabing walang "systematic plan" ang administrasyon laban sa grupo ng oposisyon — FRJ, GMA News