Pagtaas sa presyo ng sigarilyo dahil sa sin tax law, tumalab daw sa ilang naninigarilyo
Naging epektibo umano sa pangkalahatan ang ginawang pagtaas sa buwis sa sigarilyo para mabawasan ang mga naninigarilyo, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing ilan sa mga natanong na sibilyan ang nagsabing naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng sigarilyo ang kanilang paninigarilyo.
May nagsabing tumigil na sila, may nagbawas at mayroon din lumipat sa mas murang brand ng sigarilyo.
Ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) na kinumisyon ng DOH para sa World Tobacco Day, lumitaw na mula sa 38 percent, bumaba sa 25 percent ang bilang ng mga naninigarilyo sa class E o ang mga pinakamahihirap sa lipunan.
Mula naman sa 35 percent, bumaba sa 18 percent ang mga naninigarilyo na nasa edad 18 hanggang 24.
Dahil dito, maituturing epektibo raw sa mga may bisyong pag-inom ng alak at paninigarilyo ang Republic Act No. 10351, o ang sin tax law. Dahil sa pagtaas ng buwis, tumaas din ang presyo ng nabanggit na mga produkto.
"Maganda ang ibig sabihin [na] tama yung direksiyon ng paggawa ng batas na dapat bababa yung naninigarilyo. At saka yung unang maapektuhan sa mga naninigarilyo ay yung mga very poor," ayon kay Dr. Ivanhoe C. Escartin, director IV at OIC ng National Center for Health Promotion-DOH.
Pero ang pinakamalaking epekto na lumalabas sa survey ay ang paglipat ng mga naninigarilyo sa mas murang brand na kumakatawan sa 45 porsiyento.
Nakasaad din sa survey na pito sa kada 10 naninigarilyo ang nagsabing tingi-tingi na lang silang bumili ng sigarilyo.
Ayon sa DOH, umaasa silang mas dadami pa ang bilang ng titigil sa bisyong ito pagsapit ng 2017, na huling taon ng implementasyon ng pagtaas ng presyo ng sigarilyo. -- FRJimenez, GMA News